Manila, Philippines – Hawak na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang video footage na kuha sa lugar kung saan sumadsad ang isang Chinese guided missile frigate.
Tiniyak ni Coast Guard Spokesperson LCDR Armand Balilo na kahapon pa ay nasa tanggapan na ni Chief Rear Admiral Luis Tuason Jr ang video footages ng Kagitingan Reef. Kasalukuyan na aniyang dumadaan sa assessment ang naturang video bago tuluyang magawan ng ulat at maisumite sa DOTC at DFA.
“Well, kahapon nakarating na ang mga footages ng underwater diving operations sa Chinese frigate na sumadsad dun sa Hasa Hasa Shoal. Kahapon pa nire-review iyon ng Philippine Coast Guard and of course, ipagbibigay-alam din kay Secretary Mar Roxas. Then after that, magde-decide kung ilalabas sa publiko,” paliwanag ng opisyal.
Limang oras na bumiyahe mula Puerto Princesa papuntang Maynila at siyam na oras naman mula sa Half Moon Shoal patungong Rio Tuba ang BRP Romblon na siyang naglulan ng mga diver na nagsagawa ng ocular inspection sa lugar.
Ayon kay Balilo, nais ni Tuason na isapubliko ang nasabing video footage dahil may karapatan anito ang publiko na malaman ang katotohanan lalo na at bahagi ng ating teritoryo ang lugar na pinagsadsaran ng Chinese War Ship.
“The public has the right to know kung ano man ang nilalaman ng video na ito, and it’s our duty to inform the public of the damages sa corals kung meron man,” pagtatapos ni Balilo. (Francis Rivera/Marje Navarro, UNTV News)