
Isinisisi ng senado sa Bureau of Internal Revenue ang mabagal na pagdinig sa panukalang batas na babaan ang income tax ng mga manggagawa (UNTV News)
MANILA, Philippines — “Ang hinihingi ho natin ay yung projected revenue loss sa mga panukalang batas na lumalayon na bawasan ang buwis ng ating mga kababayan. We are still giving them the benefit of the doubt pero medyo nawawalan na kami ng pasensya rito.”
Ito ang pahayag ni Sen. Sonny Angara, kaugnay ng hindi pa rin pagpasa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng mga dokumentong hinihingi ng senado para sa pagdinig nito sa panukalang batas na naglalayong pababaain ang income tax ng mga mangagawa.
Ayon kay Sen. Sonny Angara, chair ng Senate Committee on Ways and Means, walong buwan na nila hinihintay ang mga dokumento mula sa BIR.
Sinabi nitong mapipilitan ang senado na ipa-subpoena ang mga dokumento kapag hindi pa rin maibigay ng BIR ang hinihingi nitong mga dokumento.
Samantala, nagdaos ng silent protest kahapon, Martes, ang mga miyembro ng unyon ng mga empleyado ng senado habang isinasagawa ang hearing ng Committee on Ways and Means.
Suot ang kanilang uniporme na may pulang ribbon sa kanilang dibdib, nagtipon ang mga miyembro ng sandigan ng mga emplayadong nagkakaisa sa adhikain ng demokratikong organisasyon pasado alas-10 kahapon ng umaga.
Ayon sa kanilang presidente na si Dakila Millamena, gusto nilang ipaabot sa mga mambabatas na sana ay mabigyang pansin ang kanilang mga kalagayan lalo sa pagbabayad ng buwis ng mga manggagawa.
Sinabi nito na malaki ang epekto ng memorandum order ng BIR na naglalayong patawan ng 30-32% tax ang mga allowance, bonus at ilang benepisyo ng mga emplayado ng gobyerno.
“Kami rin ay nananawagan na itaas ang sahod ng mga manggagawa. Alam naman natin na grabe na ang pagtaas ng mga bilihin at hindi na sapat ang mga sahod ng mga manggagawa dahil hindi pa umabot sa cost of living, ita-tax pa kami ng pagkabigat-bigat,” saad ni Millamena.
Kasama ang ilan pang mga emplayado sa iba’t ibang opisina ng gobyerno, naghain na ang kampo nila Millamena ng petition sa Korte Suprema na maglabas ito ng temporary restraining order sa pagpapatupad ng BIR ng nasabing memorandum order. (Joyce Balancio, UNTV News)