Pila ng mga truck na stranded sa Matnog Port, umabot na sa 4 kilometro — PCG
Umabot na sa apat na kilometro ang haba ng mga truck na kasalukuyang nakapila sa Matnog Port sa Sorsogon, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon sa PCG, humaba ang pila ngayong Martes dahil kabuuang 302 rolling cargo na ang nakatigil ngayon sa pantalan habang naghihintay ng panunumbalik ng shipping operation.
Aabot rin sa 889 pasahero, tsuper ng mga truck at cargo helper ang stranded sa nasabing pantalan.
Simula noong Biyernes, Abril 16 ay suspendido na ang biyahe ng mga sasakyang pandagat sa Matnog Port bilang pag-iingat sa posibleng pinsala ng bagyong Bising.
Sa obserbasyon ng PCG Station Sorsogon kaninang Martes ng umaga, ‘moderate sea condition’ at ‘moderate winds’ ang nararanasan ngayon sa Matnog Port ngunit wala pang utos hinggil sa muling paglalayag ng mga sasakyang pandagat.
Sa pinakahuling ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Service Administration (PAGASA), napanatili ng bagyo ng lakas nito habang mabagal na kumikilos patungo sa direksyon ng Quezon.
Huli itong namataan 475 kilometro silangan ng Infanta, Quezon taglay ang lakas ng hanging aabot sa 175 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 215 kilometro kada oras.
Sa pagtaya ng PAGASA, patuloy na hihina ang bagyo sa mga susunod na araw at maaaring ibaba na lamang sa severe tropical storm pagsapit ng araw ng Sabado o Linggo.
Samantala, tiniyak naman ng PCG na 24-oras na bukas ang DOTr Malasakit Help Desk para magbigay ng ayuda sa mga naipit na pasahero.