
Supreme Court Spokesperson Atty. Theodore Te
MANILA, Philippines – Isa sa mga tinalakay ng Supreme Court en banc sa pagbabalik-sesyon ngayong Martes ang mga petisyong inihain laban sa taas-pasahe sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT).
Subalit bigo pa ring maglabas ng temporary restraining order (TRO) ang kataas-taasang hukuman sa fare increase ng Department of Transportation and Communications (DOTC).
Sa halip ay pinagsusumite ng SC ang pamahalaan ng kanilang komento sa mga petisyong kumukuwestyon sa legalidad ng pagpapatupad ng fare increase sa loob ng sampung araw.
Ayon kay SC Spokesperson Atty. Theodore Te, kabilang sa mga pinagkokomento ng korte sina DOTC Secretary Joseph Emilio Abaya, LRTA Administrator Honorito Chaneco, MRT 3 Officer-in Charge Renato San Jose, MRT Corporation, at ang Light Rail Manila Consortium.
“Required respondents to submit comment… period of 10 days after receipt of notice,” pahayag nito.
Ang apat na petisyon laban sa MRT at LRT fare increase ay inihain ni dating Iloilo Representative Augusto Syjuco at ng mga grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Bayan Muna, ABAKADA at United Filipino Consumers and Commuters (UFCC).
Ayon kay Bayan Secretary-General Renato Reyes Jr., umaasa pa rin silang papaboran ng mga mahistrado ang hinihinging TRO.
“Ang kawalan ng TRO ay malaking dagok sa commuters. Talagang hahaba pa ang kanilang pagdurusa,” ani Reyes.
“Kami po ay handa sa anumang sitwasyon, oral arguments kaya naming harapin sa senado, kongreso, kay Pangulong Aquino, at ipakita na mali itong fare increase,” giit pa nito.
Samantala, iginagalang naman ng Malakanyang ang naging desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng pagtataas ng pasahe sa MRT at LRT.
“Mainam na pagkakataon yan para maliwanagan ang sambayanan kung ano ang mga kadahilanan na ipinapatupad ito, at ano naman ang katuwiran ng mga tumatanggi o di sangayon dito,” pahayag ni PCOO Secretary Herminio Sonny Coloma Jr. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)