FDA, nilinaw na maaari pa ring gamitin ang Sinovac vaccine para sa healthcare workers

MANILA, Philippines – Nilinaw ng Food and Drug Administration (FDA) na maaari pa rin namang gamitin ang Sinovac vaccines sa healthcare workers dahil may maibibigay pa rin naman itong proteksiyon para sa mga hindi exposed o walang contact sa mga pasyenteng may COVID-19.
Ginawa ni FDA Director General Eric Domingo ang paglilinaw matapos nitong ihayag noong Lunes na hindi inirerekomenda sa healthcare workers na exposed sa COVID-19 patients ang Sinovac dahil nasa 50.4% lamang ang efficacy rate nito batay sa resulta ng pagsusuri sa bansang Brazil.
“Recommendation lamang naman yun halimabawa ayaw na niyang hintayin yung ibang bakuna and then willing naman siya to take the vaccine knowing na ang possible efficacy nito sa situation mo is 50% and you’d rather take it now rather than 1 or 2 months from now kung kelan darating yung bakuna pwede naman yun. Hindi naman namin sya ipinagbabawal na gamitin,” ang pahayag ni Domingo.
Paliwanag ni Domingo, bumababa ang bisa ng bakuna kapag madalas na nakakasalamuha ng isang tao ang pasyenteng may COVID-19.
“Ang tao naman kasi iba iba ang situation natin, iba iba rin ang ating suceptibility, saka iba iba yung exposure natin, so depende po yan sa situation. Maaring mas bumaba ang efficacy ng isang vaccine kung tayo ay nasa situation talagang nasa harap natin araw araw yung covid virus, at the exposure is continuous and at high level,” ang paliwanag ng opisyal.
“Maaaring kahit mabakunahan ka ng first dose pero hindi ka pa nakaka-mount ng enough response to ward off yung infection kasi nga masyadong regular iyong exposure sa to the covid-19 virus,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin din ng pinuno ng FDA na bagaman naghihintay pa rin na maipalathala ang mga datos ukol sa clinical trial ng Sinovac ay may mga sapat namang batayan para masegurong ligtas itong gamitin.
Posible rin aniyang mapalawak pa ang grupo o edad na pwedeng tumanggap ng naturang bakuna dahil hindi pa tapos ang ginagawa ritong clinical trial.
Tiniyak din ni Domingo na maaari pang marebisa ang mga probisyon sa ibinigay na emergency use authorization ng Pilipinas para sa Sinovac COVID-19 vaccine. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Joan Nano)