Curfew at liquor ban sa Davao City, pinalawig sa kabila ng pagbaba ng COVID-19 cases
MANILA, Philippines – Pinalawig pa ng lokal na pamahalaan ng Davao City ang pagpapatupad ng curfew at liquor ban sa lungsod hanggang sa buwan ng Mayo sa kabila ng pagbaba ng kaso ng COVID-19.
Sa ilalim ng Executive Order 12A na inilabas nitong Miyerkules, mananatili hanggang Mayo 31 ang liquor ban at curfew upang maiwasan ang inuman at pagtitipon ng mga tao na ilan sa mga mga dahilan ng pagkalat ng COVID-19.
Ayon kay Mayor Sara Duterte-Carpio, hindi dapat magpabaya ang publiko dahil nananatili pa rin ang banta ng coronavirus.
“We are still waiting for the possible second wave. At kung mangyari ang second wave ibabalik pa rin nating ang liquor ban at curfew. So ipagpapatuloy na lng natin ‘yan sa ngayon para hindi siya makapag-create ng confusion,” ani Duterte.
Sa Marso 31 orihinal na nakatalagang magtapos ang 24/7 liquor ban at ang curfew hours na mula alas-9 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.
Hindi naman sakop ng curfew ang mga may trabaho at nag-o-operate ng negosyo, batay sa kautusan.
Sa ngayon ay mayroong 258 na aktibong mga kaso ng COVID-19 sa lungsod. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Lucille Lloren)