Mag-lola patay sa sunog sa Mandaluyong City

Patay ang mag-lola sa sunog sa Barangay Addition Hills sa Mandaluyong City madaling araw ng Huwebes, ika-18 ng Pebrero.
Nabulabog ang mga residente ng Block 39, Barangay Addition Hills nang sumiklab ang apoy sa isang bahay pasado alas-12 ng madaling araw.
Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection, dalawang bahay ang naapektuhan ng sunog na umabot sa first alarm. Agad ring naapula ang sunog matapos ang isang oras.
Ngunit kinumpirma ng BFP na dalawang indibiduwal ang nasawi matapos maipit sa loob ng nasunog na bahay. Kinilala ang mga biktima na sina Pacita Lamac, 55-taong gulang, at apo nitong si Althea Monique Salumbides, 13-taong gulang.
Ayon kay Barangay Captain Carlito Cernal, nasa third floor ang mag-lola nang sumiklab ang apoy sa katabing bahay nito na unang nasunog. Gawa sa light materials ang bahay ng pamilya Lamac kaya mabilis na kumalat ang apoy.
“Sadly, hindi nakalabas kasi ang sabi doon sa mga nakakakilala sa pamilya na ang ibang hagdanan masikip din, at iyon nga mabilis ang apoy kasi nga puro light materials ang kanilang tinitirhan,” aniya.
Wala nang iba pang napaulat na nasugatan sa insidente. Inaalam pa ng BFP ang sanhi ng sunog bagaman nakita umano ng ilang residente na may usok mula sa likuran ng isa sa mga apektadong bahay.
Kasalukuyan nang tinutulungan ng lokal na pamahalaan ang nasa 10 pamilyang naapektuhan ng sunog. (Ulat ni Asher Cadapan Jr.)