Libu-libong manok sa Laguna namatay dahil umano sa heat stroke

MANILA, Philippines – Nasa 43,000 manok na inaalagaan sa isang poultry farm sa bayan ng Nagcarlan, Laguna ang nangamatay dahil umano sa matinding init.
Noong Martes ng hapon nagsimulang mamatay ang mga manok matapos mawalan ng supply ng kuryente sa de-aircon na kulungan ng mga ito.
Tunnel ventilation ang gumagana sa poultry farm kaya sobrang init kapag nawalan ng kuryente.
Ayon kay Nagcarlan Municipal Agriculturist Abeth Lucas, may generator naman sa gusali ngunit pumalya ito kaya tuluyang nawalan ng bentilasyon sa kulungan na nagresulta sa pagkamatay ng mga manok.
“Namatay kasi yung ventilator kaya kumbaga nagkaroon ng heat stroke yung mga manok. Stroke siya gawa ng nawalan ng kuryente tapos pinaandar yung generator nag-bog down naman generator, yung mga fan hindi gumana,” ang wika ni Lucas.
Nakatakda na sanang i-deliver ang mga manok nang mangyari ang insidente.
Tinatayang aabot sa P6 milyon ang halagang katumbas ng mga namatay na manok.
Upang huwag masayang, ipinamigay na lamang ang mga manok sa mga residente ilang oras matapos mamatay.
“Hindi lang ho residente dito mga barangay ng Nagcarlan, ibang barangay ng Masiit nga. Tuwang tuwa naman sila,” ang pahayag ni Minda Ido, ang chairperson ng Barangay Maravilla sa Nagcarlan.
Inilibing naman ang mga manok na hindi na napakinabangan. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Mac Cordova)