Pagluluwag ng community quarantine, depende sa resulta ng pagbabakuna kontra COVID-19

MANILA, Philippines – Inaasahang unti-unti nang bababa ang bilang ng magkakaroon ng coronavirus disease (COVID-19) oras na magsimula ang vaccine roll out ng pamahalaan.
Subalit ayon sa Inter-Agency Task Force against COVID-19 (IATF), hindi agad luluwagan ang community quarantine sa bansa at lalong hindi pa dapat mag-relax sa health quarantine protocols.
“Kung magkaroon po ng massive rollout ng vaccination, bababa po ang bilang ng mai-infect, bababa ang cases of infection so ganun pa rin ang titingnan natin. Iyon pa rin ang magiging basis, ang effect of the vaccination rollout,” pahayag ni Cabinet Secretary at Co-Chair ng IATF vs COVID-19 Sec. Karlo Nograles.
“Inaasahan ng mga bansa sa buong mundo, pag nag-rollout na po tayo ng vaccine, unti-unting bumababa nang bumababa ang kaso kasi nagkakaroon ng tinatawag na herd immunity within communities,” dagdag niya.
Ayon pa kay Nograles, pag-aaralan pa rin muna ng pamahalaan ang sitwasyon pagtapos ang vaccine rollout.
Kung positibo ang resulta ng mass inoculation, saka lamang iko-konsidera ng pamahalaan na luwagan ang mga umiiral na community quarantine measures.
“Ito ang inaasahan nating effect ng vaccination rollout – ang pag-flatten na ng curve,” paliwanag ni Nograles.
“Sa pag-flatten na ng curve, dito na po natin makikita na magshi-shift na iyong ibang localities from (general community quarantine) to (modified general community quarantine) at from (modified general community quarantine) to new normal,” dagdag nito.
Ayon sa Duterte administration, mananatili ang pagpapatupad ng minimum health standards sa bansa tulad ng paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face mask at social distancing kahit may COVID-19 vaccines na sa bansa.
Target ng pamahalaang mabakunahan ang 100 percent ng adult population sa bansa ngayong 2021. MNP (sa ulat ni Rosalie Coz)