Robredo: Hindi ang Pangulo ang magdedesisyon kung qualified ako o hindi

“Hindi naman siya ang magdedesisyon kung qualified ako o hindi, pero iyong taumbayan iyong magdedesisyon.”
Ito ang sagot ni Vice President Leni Robredo sa panibagong pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa kanya na hindi siya karapat-dapat na maging pangulo ng bansa.
Ipinahayag ito ng bise presidente sa isang press conference noong Martes nang gabi matapos i-dismiss ng Korte Suprema ang electoral protest ng dating senador na si Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos laban sa kanya.
Sinabi pa ni Robredo, nakalulungkot isipin na sa kabila ng hangarin niyang makatulong sa pamahalaan ay puro panlalait at pang-iinsulto ang kanyang inaabot mula sa pangulo.
Matatandaang binatikos ni Duterte ang naging pahayag ni Robredo tungkol sa nais ng pangulo na pagbayarin ang Estados Unidos kapalit ng pagpapatuloy ng Visiting Forces Agreement sa bansa.
“Kaya ikaw, Ma’am. I’m sorry to say you are not really qualified to run for president. You do not know your role in this government”, pahayag ni Duterte sa isinagawang public address noong Lunes ng gabi.
Sa kabila nito, tiniyak ni Robredo na hindi siya magpapaapekto sa mga patutsadang ito ng pangulo.
Ipinagtanggol naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang pangulo na sinabing may karapatan si Pangulong Duterte na sabihin ito dahil naranasan na niyang maging presidente ng bansa.
“Tama po yan. Yan ay desisyon ng taumbayan. Pero kabahagi po ng taumbayan ay ang presidente na siya ay boboto rin at dahil siya ay naging presidente alam niya yung mga kakayahan na kinakailangan para maging isang presidente at ang kanyang naging assessment na sumatutal, hindi po angkop na maging presidente ang ating bise presidente.”
Samantala, kinumpirma ng tagapagsalita ni dating senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos na si Atty. Vic Rodriguez na tatakbo sa 2022 National Elections si Marcos
Ngunit hindi naman binanggit ni Rodriguez kung anong posisyon ito. Ang dating senador na lamang aniya ang mag-aanunsyo ng kanyang mga plano sa darating na halalan.