Listahan ng PUJ drivers at operators na makakakuha ng fuel subsidy, isinasapinal na – LTFRB

Robie de Guzman   •   November 10, 2021   •   360

MANILA, Philippines – Isinasapinal na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang listahan ng public utility jeepney (PUJ) drivers at operators na kwalipikado sa fuel subsidy program ng pamahalaan.

Ayon kay LTFRB Technical Division Head Joel Bolano, nasa 136,000 ang bilang ng mga benepisyaryo ng programa batay sa inilathala ng Department of Transportation (DOTr)

Ngunit paglilinaw ng opisyal, maaari pang mabago ang listahan ng mga benepisyaryo dahil kasama pa sa naturang bilang ang mga dati nang nakakuha ng bank account card sa ilalim ng pantawid pasada program noong 2018 at 2019.

Ayon kay Bolano, posibleng hindi na aktibo ang ilan sa mga benepisyaryo kaya kailangan pa munang ayusin ang listahan at isama ang ibang tsuper at operator na hindi nakakuha noon ng bank card pati na ang mga bagong operator.

“So, from the 136 (thousand) na iyon, baka yung iba inactive na. So, fina-finalize lang kaya mag-a-adjust talaga iyon. So, may effect iyon doon sa individual na amount,” ang pahayag ng opisyal.

Muli namang paalala ng LTFRB sa PUJ drivers at operators na gagamitin lang ang fuel subsidy para sa pamamasada alinsunod sa nilagdaan nilang kasunduan.

Ibibigay ang card sa mga tsuper upang magamit sa mga gasolinahan kapag kakargahan ng krudo sa kanilang operasyon.

Maaari din namang ang operator ang magpa-gas upang matiyak na walang gagastusin ang driver sa pagkakarga ng krudo.

Babala ng LTFRB, maaaring patawan ng parusa ang mga operator sakaling may paglabag sa programa.

Sa ngayon, patuloy na naghahanda ang LTFRB para sa pagpapatupad ng programa.

“Hopefully, mai-start na natin within this November mairo-rollout na natin iyan kasi ang pagkakaalam ko papasok na yung fund galing sa DBM to DOTr itong week na ito,” ani Bolano.

Ayon sa LTFRB, malalaman sa mga susunod na araw ang halaga ng subsidiyang makukuha ng mga tsuper kapag naisapinal na ang listahan ng mga benepisyaryo. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Asher Cadapan Jr.)

COVID-19 vaccination drive isasagawa sa PITX

Robie de Guzman   •   January 19, 2022

MANILA, Philippines – Sa Lunes, Enero 24, ay muling magsasagawa ng COVID-19 vaccination drive sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).

Ayon kay Atty. Jason Salvador, ang head ng PITX Corporate Affairs and Government Relations, bukas sa publiko ang vaccination drive na isasagawa katuwang ang Department of Transportation (DOTr) at ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

“We have already met with DOTr and MMDA and we will again have a vaccination program at PITX. This is going to be open to the public,” ani Salvador.

Nasa 500 indibidwal kada araw ang target na mabakunahan sa PITX.

Ayon naman kay DOTr Spokesperson Assistant Secretary Goddess Hope Libiran, magdaraos rin ng vaccination drive sa iba pang terminal ng mga pampublikong sasakyan pero isinasapinal pa nila ang mga detalye nito.

Prayoridad sa gagawing pagbabakuna ang mga pasahero na apektado ng ipinatutupad na “no vaccination, no ride” policy ng DOTr sa Metro Manila.

Una nang nanindigan ang DOTr na legal at may basehan ang pagpapatupad nito ng naturang polisiya na nakabatay sa mga ipinatutupad na ordinansa ng mga lokal na pamahalaan sa kalakhang Maynila.

Ang polisiya ay ipinaiiral habang nasa COVID-19 Alert Level 3 o higit pa ang Metro Manila.

Exempted sa panuntunan ang mga manggagawang papasok sa trabaho, may medical condition kaya hindi makapagpabakuna, mga kukuha o maghahatid ng essential goods at services at mga pasaherong naka-schedule na magpabakuna. Kailangan lamang nilang magpakita ng identification card, medical appointment at iba pang dokumento.

Tiniyak naman ni Libiran na handa silang ipatigil ang pagpapatupad nito kapag naglabas ng temporary restraining order ang mga kinauukulan dahil pagkakataon rin aniya ito upang mabigyang-linaw para sa lahat ang legalidad ng nasabing panuntunan.

‘No vax, no ride’ policy may legal na basehan pero limitado ang pagpapatupad – DOJ

Robie de Guzman   •   January 19, 2022

MANILA, Philippines – May legal na basehan ang pagpapatupad ng “no vaccination, no ride” policy sa mga pampublikong sasakyan sa Metro Manila, ayon sa Department of Justice (DOJ).

Ang pagtatanggol sa polisiya ay ginawa ni DOJ Secretary Menardo Guevarra sa gitna ng mga pagtutol sa panuntunan ng Department of Transportation (DOTr) na nagbabawal sa mga hindi bakunado laban sa COVID-19 na sumakay sa mga pampublikong sasakyan kung walang maipapakitang dokumento o katunayan ng exemption.

Sa isang pahayag, sinabi ni Guevarra na ang “no vaccination, no ride” policy ng DOTr ay alinsunod sa Administrative Code (EO292) at batay sa Republic Act 11332 o ang batas na nag-oobliga sa pag-uulat ng notifiable diseases.

Aniya, sa ilalim ng batas ay may kapangyarihan ang pamahalaan na limitahan ang galaw ng mga hindi pa bakunado kung para ito sa interes at kaligtasan ng publiko.

“The state has the power to regulate the movement of unvaccinated persons if it deems that such regulation is in the interest of public health or public safety and is for the benefit not only of the vaccinated but also of the unvaccinated,” ani Guevarra.

“In short, a person may refuse to get vaccinated for his/her own personal reasons, but he/she is duty-bound to obey reasonable state regulations affecting unvaccinated persons for the benefit of society at-large,” dagdag pa niya.

Sinimulang ipatupad sa mga pampublikong sasakyan sa Metro Manila ang “no vaccination, no ride” policy noong Lunes, Enero 17.

Exempted sa panuntunan ang mga manggagawang papasok sa trabaho, may medical condition kaya hindi makapagpabakuna, mga kukuha o maghahatid ng essential goods at services at mga pasaherong naka-schedule na magpabakuna. Kailangan lamang nilang magpakita ng identification card, medical appointment at iba pang dokumento.

Maraming grupo ang kumukwestiyon sa nasabing polisiya na tinawag nilang “anti-poor” at “discriminatory” sa mga hindi pa bakunado, lalo na sa mga walang sariling sasakyan.

Pero giit ni Guevarra, hindi naman pinagbabawalang bumiyahe ang mga hindi pa bakunado dahil ang polisiya ay epektibo lamang sa public transportation, at may nakasaad ring exemption sa rule na ito.

“The unvaccinated are not absolutely prohibited from availing themselves of public transport, provided that they have passes to show that they are out to obtain essential goods and service, such as food and medicine; or that they have medical certifications showing that they could not be vaccinated for medical or health reasons,” ang paliwanag ng opisyal.

Binigyang-diin rin ng DOJ chief na tatlo sa apat na indibidwal na naoospital o kaya ay namamatay dulot ng COVID-19 ay hindi bakunado.

At bagaman common carrier o pampublikong sasakyan ay bukas sa lahat, may responsibilidad rin aniya ang mga nangangasiwa nito na ihatid ang mga pasahero nang ligas sa kanilang mga patutunguhan.

“Common carriers are indeed open to everyone, but under our existing laws operators of common carriers are bound to carry their passengers safely to their destinations, and ‘safely’ means freedom not only from accidental injury but also from transmissible diseases,” ani Guevarra.

Paalala rin ni Guevarra na time-bound lamang o limitado lang ang panahon ng pagpapatupad ng polisiya at hindi naman ito required sa iba pang lugar na mababa ang bilang ng mga nababakunahan kontra COVID-19.

Una nang sinabi ng DOTr na ang polisiya ay epektibo lamang habang nasa COVID-19 Alert Level 3 o higit pa ang Metro Manila. Batay rin anila ito sa resolusyong ipinasa ng konseho ng mga alkalde sa Metro Manila na naglilimita sa galaw ng mga unvaccinated person.

ALAMIN: Sino ang hindi saklaw ng ‘no vaccination, no ride’ policy ng MRT-3?

Robie de Guzman   •   January 19, 2022

MANILA, Philippines – Naglabas ang pamunuan ng Metro Rail Transit line 3 (MRT-3) ng listahan ng mga pasahero na exempted o hindi sakop ng “no vaccination, no ride” policy ng Department of Transportation (DOTr).

Sa isang pahayag, sinabi ng MRT-3 na ang mga sumusunod na pasahero ay hindi saklaw ng panuntunan:

• mga pasaherong papasok sa trabaho
• mga pasaherong may medical condition kung kaya’t hindi makapagpabakuna
• mga pasaherong kukuha o maghahatid ng essential goods and services, tulad ng pagkain, gamot, tubig, medical devices, public utilities, enerhiya, at medical and dental necessities
• mga pasaherong nakai-schedule magpabakuna

Ayon sa MRT-3 management, papayagan ang mga nabanggit na pasahero na sumakay ng tren kung makakapagpakita sila ng mga sumusunod na dokumento:

• Certificate of Employment
• Company ID
• Medical appointment
• Health pass mula sa barangay
• Vaccination schedule

Ang paglilinaw ay ginawa ng MRT-3 kasunod ng mga kalituhan at batikos mula sa iba’t ibang grupo hinggil sa polisiya na nagbabawal sa mga hindi pa bakunado kontra COVID-19 sa pagsakay sa mga pampublikong sasakyan habang umiiral ang COVID-19 Alert Level 3 o higit pa sa Metro Manila.

Una na ring sinabi ng Department of Labor and Employment na hindi sakop ng polisiya ang mga manggagawang itinuturing na essential workers o nagbibigay ng mahahalagang serbisyo sa publiko.

Sa panig naman ng DOTr, sinabi ng ahensiya na hindi absolute ang pagpapatupad ng “no vaccination, no ride” policy dahil may exemption naman ang pagpapatupad nito.

Iginiit rin ng kagawaran na hindi “anti-poor” and “discriminatory” ang polisiya dahil layunin nitong maprotektahan ang mga publiko, lalo na ang mga hindi pa bakunado laban sa COVID-19. Nakabatay rin anila ito sa resolusyon ng konseho ng mga alcalde sa Metro Manila na naglilimita sa galaw ng mga unvaccinated person.

REACH US

The Philippine Broadcast Hub

UNTV, 915 Barangay Philam,

EDSA, Quezon City M.M. 1104

(+632) 8396-8688 (Tel)

info@untv-newsandrescue.com (General inquiries)

ABOUT UNTV

UNTV is a major TV broadcast network with 24-hour programming. An Ultra High Frequency station with strong brand content that appeal to everyone, UNTV is one of the most trusted and successful Philippine networks that guarantees wholesome and quality viewing experience.