Supply ng COVID-19 vaccine sa Metro Manila LGUs, paubos na
MANILA, Philippines – Paubos na ang supply ng bakuna kontra COVID-19 sa ilang lokal na pamahalaan sa Metro Manila.
Ayon sa mga alkalde, kinukulang na ang supply ng kanilang bakuna sa dami ng mga nagpaparehistro para makatanggap ng COVID-19 vaccine.
Sa Quezon City, hanggang sabado na lang ang schedule ng pagbabakuna sa mga indibidwal na maaaring tumanggap ng unang dose.
Sa mahigit 300,000 nagparehistro, mahigit sa 100,000 pa lang ang nababakunahan.
Ayon kay Joseph Juico, ang pinuno ng Quezon City Task Force on COVID-19, kakaunti na lang ang natitira nilang COVID-19 vaccine at hihintayin pa nila kung kailan ulit sila mabibigyan ng national government.
“As to the exact delivery of the vaccines, just like the national government, we are still waiting for the exact time and date,” ang wika ni Juico.
Sa lungsod naman ng Maynila, nasa 2,500 Sinovac vaccines na lang ang kanilang ginagamit ngayon. Sa 300,000 nagparehistro para sa vaccination, nasa 72,000 pa lang ang natuturukan.
Ang Malabon City naman ay mayroon pang nasa 6,000 vaccine doses ngunit kulang na ito para sa mahigit 13,000 pang kailangang mabigyan ng bakuna.
Ang lokal na pamahalaan naman ng Marikina, sa Lunes na inaasahang mauubos ang hawak nilang mga bakuna. Nasa 30 porsiyento pa lang din sa mga nagparehistro online ang natuturukan.
“Paunti-unti ang dating ng bakuna. Tulad ngayon, may dumating na bakuna. Pwede nating magamit hanggang Lunes para sa isang libong indibiduwal lamang. Kulang na. Kulang na. Kulang na talaga,” ang wika ni Marikina Mayor Marcelino Teodoro.
Una nang sinabi ng national government na ngayong buwan inaasahang darating sa bansa ang karagdagang supply ng bakuna.
Nagkakaroon umano ng delay sa delivery ng mga bakuna dahil sa isyu sa produksyon nito at pagkakaroon ng supply shortage sa ibang bansa. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Asher Cadapan Jr.)