Ilocos Norte, muling bubuksan sa mga turista sa Oct. 15

Muli nang tatanggap ng mga turista ang lalawigan ng Ilocos Norte matapos ang halos pitong buwang pagsasara dahil sa ipinatutupad na community quarantine bunsod ng coronavirus pandemic.
Ayon kay Department of Tourism (DOT) Secretary Bernadette Romulo-Puyat, simula sa Oktubre 15 ay maaari nang bumisita sa Ilocos Norte ang limitadong bilang ng mga lokal na turista na magmumula sa Luzon.
Isa ang Ilocos Norte sa mga dinarayong lugar sa bansa dahil sa adventure sites at magagandang tanawin rito, kabilang na ang Pagudpud, panoramic ocean views, sand dunes adventure, wind farms at Baroque architecture.
Ayon kay Romulo-Puyat, malaking tulong ang muling pagbubukas ng turismo sa lalawigan upang makabangon ang lokal na ekonomiya mula sa epekto ng pandemiya.
Ngunit paalala ng kalihim, kailangang sumunod sa mga requirement at health protocols ang mga bisita upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).
Kabilang sa mga requirement ang pagprisinta ng negative swab test result para sa COVID-19 ng mga bisita dalawang araw bago ang kanilang pag-alis; dapat rin ay may kumpirmado silang accommodation booking, travel agent o operator for tours, tour itinerary at medical certificate.
Tiniyak naman ng DOT na tutulong sila sa paglulunsad ng Visita Management System upang mabantayan ang pagpasok ng mga turista.
Katulad ito ng ipinatutupad na Visitor Information and Travel Assistance (VISITA) para sa mga bibisita sa Baguio City na kamakailan ay binuksan na rin para sa mga lokal na turista.
Maliban sa Ilocos Norte at Baguio City, muli na ring binuksan ang turismo sa Boracay Island. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Grace Doctolero)