Ilang LGU, bumabalangkas na ng ordinansa para limitahan ang paglabas ng mga bata – DILG

Robie de Guzman   •   November 17, 2021   •   348

MANILA, Philippines – Inihayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na bumabalangkas na ang mga lokal na pamahalaan ng polisiya para sa paglabas ng mga bata sa gitna ng banta ng COVID-19.

Ayon kay DILG spokesperson Jonathan Malaya, ang hakbang ay bilang pagtalima sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagbawalan muna ang mga batang may edad 12 taon at pababa sa pagpasok sa mga mall at iba pang kahalintulad na lugar.

“Marami na pong mga LGUs ang nagbabalangkas po ng kanilang mga ordinansa. Ngunit, mayroon pong iba na mayroon na pong executive order,” ani Malaya.

Aniya, isa ang Parañaque sa mga lungsod na may nakabalangkas nang ordinansa na nagbabawal sa mga batang may edad 11 at pababa pumasok sa mga mall at dine-in restaurants.

Papayagan lamang ang mga bata na lumabas kung outdoor o al fresco ang kanilang pupuntahan.

Sa mga batang may edad 12 hanggang 17, papayagan silang lumabas kung fully vaccinated ang kasama nilang adult.

Ang pahintulot na lamang ng konseho ng lungsod ang hinihintay upang maipatupad ang nasabing polisiya.

“Itong Parañaque, mayroon nang E.O pending approval ng kanilang ordinansa. Ang sabi po sa ‘kin ay bukas daw ay paguusapan na sa kanilang konseho kung ito na ang magiging pinal nilang polisiya which is kapag below 12, not allowed to go to the mall or shopping centers except in al fresco areas,” ani Malaya.

Sa ngayon aniya ay hinihintay pang matapos ang diskusyon ng Technical Working Group ng Metropolitan Manila Development Authority bago ianunsyo ang pinal na polisya na ipatutupad sa buong Metro Manila.

Para sa mga probinsya, sinabi ni Malaya na maaari ding magpulong ang mga gobernador at ang kanilang nasasakupang munisipalidad para mapagusapan ang isang unified policy para sa paglabas ng mga bata. – RRD (mula sa ulat ni Aileen Cerrudo)

‘No vax, no ride’ policy may legal na basehan pero limitado ang pagpapatupad – DOJ

Robie de Guzman   •   January 19, 2022

MANILA, Philippines – May legal na basehan ang pagpapatupad ng “no vaccination, no ride” policy sa mga pampublikong sasakyan sa Metro Manila, ayon sa Department of Justice (DOJ).

Ang pagtatanggol sa polisiya ay ginawa ni DOJ Secretary Menardo Guevarra sa gitna ng mga pagtutol sa panuntunan ng Department of Transportation (DOTr) na nagbabawal sa mga hindi bakunado laban sa COVID-19 na sumakay sa mga pampublikong sasakyan kung walang maipapakitang dokumento o katunayan ng exemption.

Sa isang pahayag, sinabi ni Guevarra na ang “no vaccination, no ride” policy ng DOTr ay alinsunod sa Administrative Code (EO292) at batay sa Republic Act 11332 o ang batas na nag-oobliga sa pag-uulat ng notifiable diseases.

Aniya, sa ilalim ng batas ay may kapangyarihan ang pamahalaan na limitahan ang galaw ng mga hindi pa bakunado kung para ito sa interes at kaligtasan ng publiko.

“The state has the power to regulate the movement of unvaccinated persons if it deems that such regulation is in the interest of public health or public safety and is for the benefit not only of the vaccinated but also of the unvaccinated,” ani Guevarra.

“In short, a person may refuse to get vaccinated for his/her own personal reasons, but he/she is duty-bound to obey reasonable state regulations affecting unvaccinated persons for the benefit of society at-large,” dagdag pa niya.

Sinimulang ipatupad sa mga pampublikong sasakyan sa Metro Manila ang “no vaccination, no ride” policy noong Lunes, Enero 17.

Exempted sa panuntunan ang mga manggagawang papasok sa trabaho, may medical condition kaya hindi makapagpabakuna, mga kukuha o maghahatid ng essential goods at services at mga pasaherong naka-schedule na magpabakuna. Kailangan lamang nilang magpakita ng identification card, medical appointment at iba pang dokumento.

Maraming grupo ang kumukwestiyon sa nasabing polisiya na tinawag nilang “anti-poor” at “discriminatory” sa mga hindi pa bakunado, lalo na sa mga walang sariling sasakyan.

Pero giit ni Guevarra, hindi naman pinagbabawalang bumiyahe ang mga hindi pa bakunado dahil ang polisiya ay epektibo lamang sa public transportation, at may nakasaad ring exemption sa rule na ito.

“The unvaccinated are not absolutely prohibited from availing themselves of public transport, provided that they have passes to show that they are out to obtain essential goods and service, such as food and medicine; or that they have medical certifications showing that they could not be vaccinated for medical or health reasons,” ang paliwanag ng opisyal.

Binigyang-diin rin ng DOJ chief na tatlo sa apat na indibidwal na naoospital o kaya ay namamatay dulot ng COVID-19 ay hindi bakunado.

At bagaman common carrier o pampublikong sasakyan ay bukas sa lahat, may responsibilidad rin aniya ang mga nangangasiwa nito na ihatid ang mga pasahero nang ligas sa kanilang mga patutunguhan.

“Common carriers are indeed open to everyone, but under our existing laws operators of common carriers are bound to carry their passengers safely to their destinations, and ‘safely’ means freedom not only from accidental injury but also from transmissible diseases,” ani Guevarra.

Paalala rin ni Guevarra na time-bound lamang o limitado lang ang panahon ng pagpapatupad ng polisiya at hindi naman ito required sa iba pang lugar na mababa ang bilang ng mga nababakunahan kontra COVID-19.

Una nang sinabi ng DOTr na ang polisiya ay epektibo lamang habang nasa COVID-19 Alert Level 3 o higit pa ang Metro Manila. Batay rin anila ito sa resolusyong ipinasa ng konseho ng mga alkalde sa Metro Manila na naglilimita sa galaw ng mga unvaccinated person.

ALAMIN: Sino ang hindi saklaw ng ‘no vaccination, no ride’ policy ng MRT-3?

Robie de Guzman   •   January 19, 2022

MANILA, Philippines – Naglabas ang pamunuan ng Metro Rail Transit line 3 (MRT-3) ng listahan ng mga pasahero na exempted o hindi sakop ng “no vaccination, no ride” policy ng Department of Transportation (DOTr).

Sa isang pahayag, sinabi ng MRT-3 na ang mga sumusunod na pasahero ay hindi saklaw ng panuntunan:

• mga pasaherong papasok sa trabaho
• mga pasaherong may medical condition kung kaya’t hindi makapagpabakuna
• mga pasaherong kukuha o maghahatid ng essential goods and services, tulad ng pagkain, gamot, tubig, medical devices, public utilities, enerhiya, at medical and dental necessities
• mga pasaherong nakai-schedule magpabakuna

Ayon sa MRT-3 management, papayagan ang mga nabanggit na pasahero na sumakay ng tren kung makakapagpakita sila ng mga sumusunod na dokumento:

• Certificate of Employment
• Company ID
• Medical appointment
• Health pass mula sa barangay
• Vaccination schedule

Ang paglilinaw ay ginawa ng MRT-3 kasunod ng mga kalituhan at batikos mula sa iba’t ibang grupo hinggil sa polisiya na nagbabawal sa mga hindi pa bakunado kontra COVID-19 sa pagsakay sa mga pampublikong sasakyan habang umiiral ang COVID-19 Alert Level 3 o higit pa sa Metro Manila.

Una na ring sinabi ng Department of Labor and Employment na hindi sakop ng polisiya ang mga manggagawang itinuturing na essential workers o nagbibigay ng mahahalagang serbisyo sa publiko.

Sa panig naman ng DOTr, sinabi ng ahensiya na hindi absolute ang pagpapatupad ng “no vaccination, no ride” policy dahil may exemption naman ang pagpapatupad nito.

Iginiit rin ng kagawaran na hindi “anti-poor” and “discriminatory” ang polisiya dahil layunin nitong maprotektahan ang mga publiko, lalo na ang mga hindi pa bakunado laban sa COVID-19. Nakabatay rin anila ito sa resolusyon ng konseho ng mga alcalde sa Metro Manila na naglilimita sa galaw ng mga unvaccinated person.

Mga manggagawa, hindi saklaw ng ‘no vax, no ride’ policy sa NCR – DOLE

Robie de Guzman   •   January 18, 2022

MANILA, Philippines – Hindi saklaw ng ipinaiiral na “no vaccination, no ride” policy sa mga pampublikong sasakyan sa National Capital Region (NCR) ang mga manggagawa kahit sila ay hindi bakunado kontra COVID-19.

Ang paglilinaw ay ginawa ng Department of Labor and Employment (DOLE) kasunod ng mga batikos sa polisiyang ipinatutupad ng Department of Transportation (DOTr) at ulat na ilang manggagawa ang hindi pinasakay sa mga pampasaherong bus dahil hindi pa kumpleto ang bakuna.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, hindi dapat pigilan ang mga manggagawa na lumabas ng bahay at sumakay sa mga pampublikong sasakyan dahil sila ay maituturing na essential workers na nagbibigay ng mahahalagang serbisyo sa publiko.

“‘Pag hininto mo mga iyan, papaano gagalaw ang ating mga negosyo? ‘Pag walang negosyo, walang ekonomiya. So, luckily exempted po ang ating mga workers,” ang paliwanag ni Bello.

Kailangan lamang ay magpakita ng company identification card ang mga empleyado upang sila ay payagang makabiyahe kahit hindi pa fully vaccinated.

Bunsod nito, nais paigtingin ng DOLE ang information dribe sa naturang exemption upang lubos itong maintidihan ng publiko.

“Kailangan lang siguro more massive information drive to inform especially not only the public but especially the enforcing enforcement agencies – mga pulis, mga taga-DOTr, alam nila dapat ang mga workers are exempted from this no vax no ride policy,” ang wika ni Bello.

Sa panig naman ng DOTr, sinabi ng ahensiya na hindi absolute ang “no vaccination, no ride” policy dahil may exemption naman ang pagpapatupad nito.

Una nang sinabi ng DOTr na hindi saklaw ng panuntunan ang mga indibidwal na hindi nababakunahan dahil sa medikal na kondisyon at ang mga lumalabas ng bahay para sa essential goods and services.

Ngunit paalala ng kagawaran, dapat may maipakitang kaukulang dokumento gaya ng medical certificate o iba pang katunayan ang isang indibiduwal upang ma-exempt sila sa nasabing polisiya.

Kung may medical check-up o examination, magtatrabaho, bibili ng essential goods, mag-a-apply ng lisensya, passport at iba pa, kailangan lang din na magpakita ng mga pruweba ng pagpunta sa mga kaukulang lugar gaya ng identification card sa mga empleyado, medical o exam appointment, barangay health pass at iba pa.

Kung fully vaccinated na, dapat ay dala ang vaccination card.

Ikinokonsiderang fully vaccinated ang isang indibidwal dalawang linggo matapos matanggap ang second dose ng bakuna.

Iiral ang “no vaccination, no ride” policy sa mga pampublikong sasakyan sa Metro Manila hangga’t nakataas ang COVID-19 Alert Level 3 o higit pa. (mula sa ulat ni Correspondent Asher Cadapan Jr.)

REACH US

The Philippine Broadcast Hub

UNTV, 915 Barangay Philam,

EDSA, Quezon City M.M. 1104

(+632) 8396-8688 (Tel)

info@untv-newsandrescue.com (General inquiries)

ABOUT UNTV

UNTV is a major TV broadcast network with 24-hour programming. An Ultra High Frequency station with strong brand content that appeal to everyone, UNTV is one of the most trusted and successful Philippine networks that guarantees wholesome and quality viewing experience.