NCCA, nagpaliwanag sa kabiguang maideklarang National Artist si Dolphy
QUEZON CITY, Philippines — Humarap na sa mga mamamahayag ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA) upang ipaliwanag ang kabiguan nitong maideklarang national artist ang namayapang hari ng komedya na si Dolphy.
Ayon kay Atty. Trixie Angeles, legal counsel ng komisyon, may dinadaanang proseso ang pagdi-deklara sa isang national artist. Hindi lang aniya mga sikat na artista ang pinagbabatayan upang hiranging national artist.
“Wala kaming batikos kay Mang Dolphy, ang ipinapakiusap lang namin sa publiko ay kaunting pasensiya kasi dumadaan sa proseso.”
Dagdag ng abogado, may mga manunulat sa panitikan ng Visayas na nominado rin sa pagiging national artist kahit hindi sikat sa buong bansa. Maging ang dating action star at presidential candidate na si Fernando Poe Junior ay naideklarang national artist hindi dahil sa sikat itong artista sa pelikula.
“Si FPJ idineklara siya for cinematic arts, ibig sabihin hindi lang bilang artista, bilang producer, director, script writer, at film archivist, kasi si FPJ hindi lang niya pinalabas ang mga sine niya, itinago niya nang maaayos.”
Paliwanag pa ni Angeles, limitado ang kapangyarihan ng presidente ng bansa sa pagdi-deklara ng isang national artist. Ang magagawa lang aniya ng Pangulo ay aprubahan o tanggihan ang rekomendasyon ng NCCA.
Ayon pa kay Angeles, ang pagkaka-deklara ni dating pangulo Gloria Arroyo sa apat na national artist noong 2009 ay tinutulan ng komisyon dahil hindi ito dumaan sa tamang proseso.
Sa kaso naman ng namayapang hari ng komedya, may pag-asa pa itong maideklarang national artist ngunit aaabutin pa ng dalawang taon ang proseso ng komisyon. (Ito ang Balita ni Grace Casin/Ruth Navales, UNTV News)