Presyo ng mga paputok at pailaw sa Bocaue, tumaas na

MANILA, Philippines – Tumaas na ang presyo ng mga pailaw at paputok na ibinibenta sa Bocaue, Bulacan ilang oras bago ang pagpapalit ng taon.
Ayon kay Lea Alapide, ang president ng Philippine Pyrotechnics Manufacturer and Dealer Association, itinaas nila nang bahagya ang presyo ng tinda nilang paputok upang makabawi sa pagkalugi.
Ang dagdag-presyo ay kasunod na rin ng pagpapatupad ng total firecracker ban sa Metro Manila at ilang bayan sa Zambales at Tarlac.
“Hindi naman po yung talagang mataas na mataas, Kung meron man pagtaas don sa mga dealers na kakaunti yung stock siguro doon sa partikular na produkto. Kung may pagtaas man P1, P2, P5. Mura lang naman po sa maliliit na items, sa malalaki naman meron P50, P100,” ang pahayag ni Alapide.
Ayon naman sa ilang firecracker vendor sa Bocaue, nagmahal na ang kemikal na ginagamit nila sa paggawa ng paputok kaya tumaas ang presyo ng kanilang mga produkto.
Ang mga paputok na tumaas ang presyo ay ang Sawa (2,000 rounds) na ngayon ay P800 mula sa dating P700, Sinturon na nasa P50 mula sa P40, Luces P30 kada 10 piraso, Fountain na nagkakahalaga ng P35, at Aerial na may presyong P5,500 para sa 168 shoots mula sa dating P4,500.
Dahil sa pagtaas ng presyo, binawasan ng ilang customer ang binibiling paputok habang ang iba naman ay mas piniling ibili na lang ng pagkain ang kanilang pera.
Una nang nagpaalala ang Philippine Natioal Police at Department of Health sa publiko na iwasang gumamit ng paputok, lalo na ang mga ipinagbabawal na uri nito upang makaiwas sa disgrasya. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Nestor Torres)