Muling pagsusulong sa panukalang Charter change, tinutulan ng ilang senador

MANILA, Philippines — Kinuwestiyon ng ilang senador ang muling pagsusulong sa panukalang amiyendahan ang saligang batas sa gitna ng nararanasang coronavirus pandemic.
Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, pag-aaksaya lang ng oras ang pagtalakay sa panukala na hindi rin naman uusad sa mataas na kapulungan ng Kongreso.
“It will be a total waste of time. It won’t fly. Our history tells us that Cha-cha has a zero chance of success in any administration that is already in the home stretch,” ang pahayag ni Drilon.
Iginiit din ng mambabatas na maituturing pang kasalanan ang pagtalakay sa usapin gayong wala pang nakikitang lunas sa kinakaharap na global health crisis at iba pang problema sa bansa.
“It is a sin to be even talking about changing the Constitution when there is still no end in sight to the pandemic, when the government is struggling to secure funding for COVID-19 vaccines, and when the country is still reeling from the continuing impact of the pandemic and the recent typhoons,” ang wika ni Drilon.
“Instead of talking about Cha-cha, let’s talk about how we can bring down inflation and let’s talk about how we can bring back lost jobs and livelihood opportunities,” dagdag pa niya.
Ginawa ni Drilon ang pahayag matapos kumpirmahin ni Senate President Vicente Sotto III noong Miyerkules na may mga nakahain nang panukala para sa pag-convene ng 18th Congress bilang Constituent Assembly (Con-Ass) para sa pag-amiyenda sa konstitusyon.
Noong Disyembre 2020, naghain ng Resolution of both Houses sina Senator Francis Tolentino at Ronald dela Rosa para isulong ang Con-Ass at magsagawa ng limitadong pagbabago sa 1987 Constitution.
Hindi nakasaad sa resolusyon ang mga probisyon sa saligang batas na isinusulong na baguhin pero limitado lamang ang gagawing pag-amiyenda sa “democratic representation” at “economic provisions” ng Konstitusyon.
Giit nina Tolentino at Dela Rosa, kailangan na ng reporma ang 33-anyos na Saligang Batas ng bansa upang makatugon sa pangangailangan ng publiko lalo na sa gitna ng pandemya.
Ngunit para kay Senator Panfilo Lacson, dapat munang pag-usapan nang mabuti ang panukala.
Ayon naman kay Sotto, halos imposible kung mismong Charter change ang pag-uusapan at mas may pag-asa pa kung pag-amyenda lang sa mga probisyon ang gagawin.
Nilinaw rin ng senador na batay kanilang pulong noong Nobyembre, ang pag-aalis lamang sa party-list provision ng Saligang Batas ang nais ni Pangulong Rodrigo Duterte upang maresolba ang isyu sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army.
Kung si Sotto naman ang tatanungin, mas mainam kung amiyendahan na lamang ang umiiral na Party-List Law sa bansa at hindi na mag-convene ang dalawang kapulungan ng Kongreso bilang Con-Ass.
Posibleng magpatawag ng caucus ang Senado upang pag-usapan ang isyu. — RRD (mula sa ulat ni Correspondent Harlene Delgado)