Higit na 300,000 manggagawa naka-depende sa pagbubukas ng mga sinehan—DTI

MANILA, Philippines — Kinakailangan nang maibalik ang operasyon ng mga sinehan dahil dito nakasalalay ang kabuhayan ng halos 300,000 mga manggagawa, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).
Ayon sa Consumer Protection Group ng DTI na si Usec.Ruth Castelo, maraming manggagawa sa sinehan ang halos isang taon nang nahinto sa pagtratrabaho kayat umaasa ang nga ito na muli na silang makababalik sa kanilang hanapbuhay.
“Recommendation ng NEDA and the DTI Secretary Lopez na i-allow na para makabalik na sa trabaho yung mga tao ng income, makagenerate sila ng income at makasuporta doon sa mga pamilya nila,” aniya.
Nag-inspeksyon din ang DTI noong Miyerkules (ika-16 ng Pebrero) sa ilang mga sinehan upang makita ang kanilang paghahanda sakaling mag-umpisa na muli ang kanilang operasyon.
Bagaman wala pang guidelines na inilalabas ang national government, ginagawan na ng paraan ng mga mall operator na magkaroon nang maayos na bentilasyon sa loob ng mga sinehan.
Paliwanag pa ng nga ito, bago pa ang pandemya ay sinisuguro na nila na malinis at tama ang sirkulasyon ng hangin dito.
“Two hours prior to the cinema opening we started operating our fresh air and exhaust system to ensure na fresh ang air natin sa loob ng cinema then while you are watching there are six air exchange happening in the cinema. So ibig sabihin kahit nakaupo ka lang nagpapalit ang hanging sa loob ng 6 na beses sa isang oras,” ayon kay Gerson Dela Cruz, Senior Engineer Facilities Management ng Ayala Malls.
Mahigpit na ring ipagbabawal ang pagkain sa loob ng mga sinehan upang maiwasan ang posibleng hawaan ng COVID-19.
“So that all facemasks must be worn all the time while inside the cinema and of course we’re waiting for the additional guidelines, safety guidelines that will come out before we open the cinemas required by the LGUs and IATF,” ayon naman kay Bomboy Lim, ang General Manager ng Robinsons Movie World.
Sa ngayon ay hinihintay pa rin ang guidelines na babalangkasin ng Department of Labor and Employment (DOLE) na dapat masunod sa mga enclosed na establisyimento gaya ng mga sinehan.
Pero nauna na ring sinabi ng IATF na bukod sa guidelines, kinakailangan din na aprubado ng mga alkalde na nakakasakop sa kanilang mga lugar ang muling pagbubukas ng mga sinehan at arcade.
Una nang sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na magkakaloob sila ng libreng swab test sa mga cinema worker at hindi niya papayagan na magbukas ito hangga’t hindi sumasailalim sa pagsusuri ang mga manggagawa nito.
“Pinag-aaralan pa namin kasi while it is true that we wanted to open businesses, are they ready to come up with a plan yung katulad ng cinema o yung mga nabanggit? Hindi naman po pwede na bibiglain natin. Kailangan responsable pa rin,” aniya.