Baguio City, nagsagawa ng simulation sa proseso ng COVID-19 vaccination

BAGUIO CITY – Nagdaos ngayong Lunes ng simulation exercise ang lokal na pamahalaan ng Baguio City para sa proseso ng pagbabakuna kontra novel coronavirus disease (COVID-19).
Ito ang bilang paghahanda sa inaasahang pagdating ng unang batch ng COVID-19 vaccines sa bansa at pag-arangkada ng mass vaccination program ng pamahalaan ngayong buwan ng Pebrero.
Sa unang bahagi ng simulation, isinagawa ang vaccine transport procedure mula sa City Health Office sa T. Alonzo patungo sa vaccination area sa gym ng University of Baguio.
Walong minuto ang nai-record na oras ng paghahatid ng bakuna.
Sa ikalawang bahagi ng simulation ay inilatag naman ang pagkakasunud-sunod ng bawat phase ng proseso gaya ng paglalagay ng waiting area, registration, counselling, medical screening, at vaccination area sa itinakdang vaccination site.
Upang mapabilis ang proseso, kailangang dumaan sa online pre-registration ang mga magpapabakuna bago ang mismong araw ng immunization.
Pagkatapos nito ay dadaan sila sa counselling at screening para sa anumang impormasyon o katanungan ukol sa pagpapabakuna. Sa phase na ito rin maaaring hilingin sa mga magpapabakuna ang kanilang health status at iba pang bagay na kailangang dumaan sa beripikasyon.
Ipinakita rin ang mga panuntunan at prosesong dapat sundin ng mga magpapabakuna, bago at pagkatapos nilang maturukan, para na rin sa kanilang kaligtasan.
Tiniyak rin ng lokal na pamahalaan na may ilalagay silang standby medical at healthcare workers, pati na ng ambulansiya, sa post-vaccination area upang agad tumugon sa sinumang mangangailangan ng atensiyong medikal o kaya ay magkakaroon ng reaksyon sa tinanggap na bakuna.
Ayon sa lokal na pamahalaan, mahalaga ang pagsasagawa ng simulation upang ma-assess ang proseso at matugunan ang mga nasalungang isyu sa transportation at vaccination.
Ilan sa mga napansin nilang kailangan pang pagtuunan ng pansin ay ang sitwasyon ng mga persons with disabilities (PWD) na maaaring lumahok sa programa gayundin ang pagsasagawa ng sanitation sa bawat lugar.
Ayon kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, magagamit ang assessment ng evaluation team sa ginawang simulation upang mapag-ibayo pa ang kalidad at kahandaan ng Baguio City sa pagpapatupad ng COVID-19 vaccination program. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Marvin Calas)