Manila Bay rehab project, target tapusin sa ikatlong bahagi ng taon — DENR
MANILA, Philippines — Muling naglalagay ng crushed dolomite sa dalampasigan ng Manila Bay ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) bilang bahagi ng isinasagawa nitong nourishment o rehabilitation project sa lugar.
Ayon sa DENR, bahagi ito ng P28 milyon sa P389 milyong kabuuang halaga ng proyekto na layong pagandahin at pangalagaan ang lugar upang maiwasan ang coastal flooding at erosion.
Ayon kay DENR Undersecretary Jonas Leones, ang pondong ginamit sa proyektong ito ay bahagi pa rin ng 2019 national budget.
Ang kontrata nito ay naaprubahan bago pa man nagsimula ang coronavirus pandemic at nabinbin lang ang pagpapatupad dahil sa kinakaharap na krisis.
Sinabi ni Leones na target nilang matapos ang Manila Bay nourishment project sa ikatlong bahagi ng 2021.
Sinisilip ng mga kritiko ang timing ng proyekto lalo’t nahaharap pa sa pandemiya ang Pilipinas at marami ang nangangailangan ng ayuda.
Ngunit giit ng DENR, hindi maaaring basta na lamang suspindihin ang isang government project sa ilalim ng contractual obligation.
Ayon naman kay Attorney George Erwin Garcia, ang College of Law Dean ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, maaaring i-justify ng gobyerno ang pagpapahinto sa isang proyekto lalo na at nasa ilalim ng krisis sa kalusugan ang bansa.
“Because we are in a national emergency, pandemiya ito, madaling i-justify at pwedeng ma-justify yung pagpapatigil ng isang proyekto at para yan ay maging tinatawag na savings,” ang pahayag ni Garcia.
“Lahat ng kontrata, nakadepende sa mga pangyayari especially kung may tinatawag na supervening events na hindi naman na-predict ng mga partido sa kontrata,” dagdag pa niya.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang Malakanyang kaugnay ng pagpapatuloy ng proyekto. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Rosalie Coz)