Naka-alerto na ang lokal na pamahalaan ng Camarines Sur sa posibleng pagkakaroon ng storm surge bunsod ng malakas na hanging dala ng bagyong Ambo.
Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), partikular nilang tinututukan ang coastal areas ng bayan ng Pasacao dahil sa matataas at naglalakihang along humahampas sa dalampasigan nito sa gitna ng pananalasa ng bagyong Ambo.
Una nang ibinabala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pagkakaroon ng hanggang apat na metrong storm surge o daluyong dahil sa bugso ng hanging dala ni Ambo.
Sa pinakahuling ulat ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 40 kilometro sa katimugang bahagi ng Infanta, Quezon.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 100 kilometro kada oras (kph) at pagbugsong nasa 140 kph. Kumikilos ito sa direksyon ng hilagang-kanluran sa bilis na 20 kph.
Ayon sa PAGASA, bahagyang humina ang bagyo matapos itong mag-landfall ng anim na beses.
Una itong tumama sa lupa sa San Policarpio, Eastern Samar noong Huwebes ng tanghali; sunod mga isla ng Dalupiri at Capul sa Northern Samar bandang Huwebes ng gabi; sunod sa Ticao at Burias Islands sa Masbate noong Biyernes ng madaling-araw at pang-huli sa San Andres, Quezon Biyernes ng umaga.
Inaasahang ngayong gabi, sa pagitan ng ala-singko at ala-siyete, ay muling tatama ang bagyo sa Real o Infanta, Quezon.
Ayon sa PAGASA, patuloy na makararanas ng malakas na pag-ulan ang mga lugar ng Quezon, Marinduque, Aurora, Laguna, Batangas, Rizal, Metro Manila, Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Isabela, Nueva Vizcaya at Quirino.
Malakas na pag-ulan rin ang inaasahan ngayong gabi hanggang bukas, araw ng Sabado sa Cordillera Administrative Region, Ilocos, Central Luzon, Nueva Vizcaya at Quirino.
Babala ng PAGASA, maaari itong magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa kaya pinapayuhan ang lahat ng mga residente na mag-ingat at makinig sa abiso ng mga kinauukulan.
Malalaki rin ang mga alon sa mga lugar na may nakataas na babala ng bagyo.
Nasa ilalim ng signal number two ang mga sumusunod na lugar:
- Ilocos Norte
- Ilocos Sur
- La Union
- Apayao
- Abra
- Kalinga
- Mountain Province
- Ifugao
- Benguet
- Eastern portion ng Pangasinan (San Nicolas, Natividad, San Quintin, Umingan, Balungao, Sta. Maria, Tayug, Asingan, San Manuel, Binalonan, Laoac, Urdaneta, Villasis, Rosales, Sto. Tomas, Alcala, Bautista, Bayambang, Urbiztondo, Basista, Malasiqui, Sta. Barbara, Manaoag, Mapandan, San Jacinto, San Fabian, Pozorrubio, Sison, Mangaldan, Dagupan, Calasiao, Binmaley, Lingayen, Bugallon, Aguilar, San Carlos, Mangatarem)
- Tarlac
- Pampanga
- Metro Manila
- Bulacan
- Laguna
- Cavite
- Batangas
- Rizal
- Marinduque
- Northern portion ng Quezon (General Nakar, Infanta, Real, Mauban, Sampaloc. Lucban, Tayabas, Sariaya, Candelaria, Dolores, Tiaong, San Antonio, Lucena, Pagbilao, Atimonan, Padre Burgos, Agdangan, Plaridel, Unisan, Gumaca, Pitogo, Macallelon, General Luna, Catanauan, Lopez, Buenavista, Guinayangan, Calauag, Tagkayawan, Perez, Alabat, Quezon)
- Polillo Islands
- Western portion ng Camarines Norte (Santa Elena, Capalonga)
- Nueva Ecija
- Nueva Vizcaya
- Aurora
- Quirino
- Western portion of Isabela (Quezon, Mallig, Roxas, Quirino, San Manuel, Burgos, Gamu, Reina Mercedes, Aurora, Luna Cabanatuan, Naguilian, Benito Soliven, Cauayan, San Guillermo, Dinapugue, San Mateo, Alicia, Angadanan, Ramon, San Isidro, Echague, Jones, San Agustin, Santiago, Cordon)
Nasa signal number 1 naman ang mga sumusunod na lugar:
- Cagayan kabilang ang Babuyan Islands
- Batanes
- Zambales
- Bataan
- Nalalabing bahagi ng Pangasinan
- Nalalabing bahagi ng Isabela
- Nalalabing bahagi ng Quezon
- Nalalabing bahagi ng Camarines Norte
- Western portion ng Camarines Sur (Del Gallego, Ragay, Lupi, Sipocot, Libmanan, Cabusao), and the northeastern portion of Oriental Mindoro (Puerto Galera, San Teodoro, Baco, Calapan, Naujan, Victoria, Socorro, Pola)
Dahil sa lakas ng hangin at ulang dala ni ‘Ambo’, nawalan ng kuryente ang ilang bahagi ng Camarines Sur, kabilang na ang mga bayan ng Canaman, Tinambac, at ilang parte ng Naga City.
Ayon sa PAGASA, inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility sa Lunes ng hapon. – RRD (may ulat mula kay Correspondent Allan Manansala)