
(L-R) UE Law Dean Amado Valdez and SC Acting CJ Antonio Carpio (Image grabbed for PTV video)
MANILA, Philippines – Sa ikatlong araw ng public interview sa mga nominado sa pagka-chief justice, unang sumalang sa pagtatanong ng Judicial and Bar Council (JBC) si University of the East College of Law Dean Amado Valdez.
Sa kalagitnaan ng public interview, nagkasagutan sina JBC Acting Chairman Associate Justice Diosdado Peralta at Dean Amado Valdez sa isyu ng pagngongolekta ng court fees na ayon kay Valdez ay unconstitutional.
Katwiran ni Valdez, nalilimitahan ng mataas na bayarin ang access ng mga mahihirap sa korte upang makapaghain ng kanilang mga usapin.
“High court fees affect access to justice, which should be given more premium. That is the essence of our democratic system.”
Nagpaliwanag naman si Peralta, kung saan nga ba napupunta ang nakokolektang court fees.
“Hindi mo po ba alam Dean, na yung fees na yan under Rule 41 ay yan yung nagpopondo dun sa Judiciary Development Fund (JDF), ang JDF ay provided po ng batas yan, so kung walang fees yan, eh anong pang-pa-fund naming sa JDF. Pangalawa, part of the fees that we collect, pupunta din dun sa 9227, yung RA 9227 yung tinatawag na SAJ. Ngayon yung tinatawag na Judiciary Development Fund, for your information, part of that goes to the employees,” paliwanag ni Peralta.
Sagot naman naman ni Valdez, nais lamang umano niya na i-review ang court fees para mas maging accessible sa publiko.
Isa pa sa mga nais na maging reporma ni Valdez ay ang pagkakaroon ng integrity council sa mga judicial region.
“We have to equip judges, inspire them, show leadership by example, and underscore meaning of accountability,” dagdag pa ni Valdez.
Samantala, ayon naman kay acting Chief Justice Antonio Carpio sa kanyang pagsalang sa JBC public interview, ang pangunahing problema ng hudikatura ng bansa ay ang clogged dockets o ang tambak na mga kasong hindi agad nadedesisyunan.
Bilang solusyon, nais ni Carpio na palakasin pa ang mediation o pagkakasundo sa dalawang panig upang maresolba nang mas maaga ang mga kaso.
“The number one problem is the clogged dockets. We have instituted mediation and judicial dispute resolution. In pre-trial, we can still increase the resolution of cases. With more training of mediators and judges, we can be more efficient. “
Kabilang rin sa mga isyung inusisa kay Carpio ay ang umano’y pagla-lobby niya sa mga kaso na mariin naman niyang itinanggi. Mariin ring itinanggi ng acting Chief Justice na may sabwatan umanong nangyari para mapatalsik sa puwesto si dating CJ Renato Corona.
“I was accused as one of those who schemed with President Aquino and Secretary Roxas, but I never talked to those people. In fact they are saying I will never be appointed because I am not close to the President.”
At bagama’t irerespeto kung sino man ang mapipili ni Pangulong Aquino na susunod na punong mahistrado, naniniwala si Carpio na hindi kinakailangan ng isang outsider upang makapagsagawa ng reporma sa Korte Suprema at sa buong hudikatura. (Ito ang Balita ni Roderick Mendoza/Ruth Navales, UNTV News)