Sapat na supply ng manok, tiniyak ng DA

MANILA, Philippines — Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na nananatiling sapat ang supply ng manok sa bansa sa kabila ng mga ulat na maraming poultry producer ang nagsara dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay DA Assistant Secretary Noel Reyes, malakas din ang bentahan ngayon ng manok dahil sa kakulangan sa supply at pagtaas ng presyo ng karne ng baboy.
“Wala pong shortage ng manok. Marami po tayong manok. Okay? Kung sino mang nagsasabi na may shortage sa manok, hindi po totoo yon. Okay? Sapat po ang manok. Ang kulang po talaga ay ang baboy,” ang pahayag ni Reyes.
Una nang nagpahayag ng pangamba ang grupong United Broiler Raisers Association (UBRA) sa posibleng kakulangan sa supply ng manok dahil malaki ang nalugi sa poultry producers sa mga nagdaang buwan habang ipinatutupad ang community quarantine.
Sinabi rin ni UBRA President Atty. Bong Inciong na nakadagdag pa rito ang pagsasara ng mga restaurant na pangunahing sinu-suplayan ng kanilang mga produkto kaya umatras na ang maraming poultry business operators.
“Sa laki ng lugi nila nong lockdown hanggang September, umatras. Cinull na yung or pinatay na yung maraming inahin at tandang o yung mga breeders na tinatawag at dahil diyan kulang ngayon ng sisiw,” ang pahayag ni Inciong.
Sinabi naman ni Reyes na walang basehan ang pangambang magkakaroon ng kakulangan sa supply ng manok dahil nasa isang buwan lang aniya ang kailangan sa pag-aalaga ng mga manok.
Ngunit sagot ni Inciong, “Yan ang mahirap sa mga yan eh dahil puros pagpapapogi ang inaatupag. Hindi alam yung detalye. P46 ang sisiw na dapat ay P16. Saan kukuha ngayon lalo na yung mga small and medium? Yung mga malalaking kumpaniya mayroon pa yan siguro pero lahat yan umatras. Yan ang mahirap eh, ayaw nilang harapin yung katotohanan.”
Kung ang ilang tindera naman sa Balintawak Market sa Quezon City ang tatanungin, wala naman silang napapansing kakulangan sa supply ng manok sa pamilihan ngunit tumamataas anila ang presyo nito kada araw.
“Okay lang naman ang mga supply dito. Kaso nga lang, ang iba tumigil na sa pagtinda dahil sa presyo na mataas,” ang pahayag ng vendor na si Didith Cualteros.
“Halos araw-araw, ikalawang araw, tumataas ng dalawang piso, limang piso or 10 pesos ang (presyo) manok. Eh ang sinasabi nga dahil sa kakulangan daw ng supply. Yun ang sabi ng ibang byahero. Hindi rin naming malaman kasi maghahango lang kami,” ang wika ng vendor na si Zenaida Flores.
Sa tala ng DA noong Miyerkules, Enero 20, nasa P150 hanggang P180 ang kada kilo ng manok sa ilang pangunahing pamilihan sa Metro Manila.
Paliwanag ng kagawaran, tumataas ang presyo ng manok dahil sa malaking demand bunsod ng mahal na presyo ng karneng baboy.
Una nang sinabi ng DA na nagkukulang ang supply ng baboy dahil sa epekto ng African Swine Fever sa maraming hog farms sa bansa. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Asher Cadapan Jr.)