
MANILA, Philippines – Ipapasa na ngayong linggo ng Department of Agriculture (DA) ang rekomendasyon nito para sa pagdedeklara ng state of calamity sa bansa dahil sa epekto ng African Swine Fever (ASF).
Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, isinasapinal na nila ang rekomendasyon na isusumite nila kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Aniya, ang rekomendasyon ay batay na rin sa panukala ng Senado na magdeklara ng state of calamity upang matulungan ang stakeholders ng hog industry sa bansa na lubhang naapektuhan ng ASF outbreak.
“We are finalizing our recommendation base doon sa rekomendasyong galing po sa Senado. So, anytime this week we will be sending our position and recommendation to the Palace,” ang pahayag ni Dar.
Tiniyak naman ng Malakanyang na bukas ang administrasyon sa lahat ng rekomendasyon ng mga mambabatas pero sa ngayon ay wala pang desisyon si Pangulong Duterte ukol sa panukalang pagdedeklara ng state of calamity kaugnay ng epekto ng ASF.
Iginiit din Presidential Spokesperson Harry Roque na may mga ipinatupad nang mga hakbang ang DA para tugunan ang problema sa supply ng baboy.
“Sa ngayon po ang solusyon nga is repopulation at naglaan naman po tayo ng sapat na halaga dyan at bukod pa sa repopulation, yung pag-aangkat po ng bakuna at syempre yung pag aangkat po ng baboy sa iba’t-ibang parte ng Pilipinas at soon po sa ibat ibang parte ng daigdig,” ani Roque.
“But points were taken, we welcome the suggestion it will be considered and it has not been decided upon by the President,” dagdag pa niya.
Una nang naglaan ang pamahalaan ng P2.6 bilyong pondo para sa control and containment ng ASF at repopulation ng mga baboy sa hog farms sa bansa.
Nasa P1.5 bilyon ang nakalaan para sa repopulation project, P500 milyon para sa loan program ng backyard hog raisers, P400 milyon sa pagpapatayo ng breeder farms, P200 milyon sa repopulation sa ASF-affected areas, habang P1.5 bilyon naman ang inilaan para sa Bantay-ASF control and containment program.
Tiniyak din ng DA na nakapag-secure na ito ng P27 bilyong pondo sa bangko, bukod pa sa popondohan nitong 22% insurance para sa commercial hog raisers.
“We have secured from Land Bank P15 billion, P12 billion from DBP, so total of P27 illion as loan program to reinvigorate the hog industry at concessional rate. Mababa yung interest rates not like the commercial rates that we had before, so these are the initial support that government will do… Of course kung tatanungin mo is this enough? of course this is not enough,” ang pahayag ni Dar.
Batay sa monitoring ng DA kaugnay ng ASF-positive incidence sa mga barangay, mula 1,773 cases noong Agosto 2020 ay bumaba ito sa 358 cases noong Enero 2021 at tuluyan pang bumagsak sa 62 incidents ngayong buwan ng Marso. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Marvin Calas)