Pangambang sumabog ang Mt. Taal matapos ang malakas na lindol sa Batangas, pinawi ng Phivolcs
MANILA, Philippines – Pinawi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang pangamba hinggil sa muling pagsabog ng bulkang Taal kasunod ng magnitude 6.3 na lindol na yumanig sa Calatagan, Batangas pasado alas-7 Biyernes ng umaga.
Ayon kay PHIVOLCS director, Undersecretary Renato Solidum, maliit ang posibilidad na magkaroon ng epekto sa bulkan ang malakas na lindol bagaman patuloy pa nila itong inoobserbahan.
Binigyang-diin rin ni Solidum na sumabog na ang bulkan ngayong taon at malalim ang naramdamang lindol kaninang umaga.
“Siguro pagdating doon sa fault baka wala, kasi hindi naman ito ganoon kalaki at malalim siya masyado. Pero pagdating sa Taal Volcano, kasi katatapos lang ng kanyang eruption, oobserbahan natin kung may epekto talaga ito,” ang pahayag ni Solidum.
“Titingnan natin kung magre-react ang Taal Volcano, pero dapat nating maaalala, matandaan, na nasa alert level 1 pa lang naman siya,” dagdag pa niya.
Magugunitang noong buwan ng Enero 2020 ay itinaas sa alert level 4 ang Taal matapos itong magbuga ng abo.
Sa ngayon ay nasa alert level 1 ang bulkan na ang ibig sabihin ay bahagyang pagtaas ng volcanic activity gaya ng gas o steam emission at mga pagyanig. Ipinagbabawal din ang pagpasok sa permanent danger zone ng bulkan.
Paliwanag ng ahensiya, gumalaw ang Manila trench kaya’t naramdaman ang pagyanig sa Metro Manila.
Tiniyak din ng PHIVOLCS na walang direktang epekto ang lindol sa Batangas sa West Valley Fault.
Bukod sa Metro Manila, Batangas at Laguna, naramdaman rin ang lindol sa ilang bahagi ng Rizal at Northern Luzon.