
OVP Overseas Filipino Workers Concerns Head atty. Deogracias Grafil (UNTV News)
QUEZON CITY, Philippines — Nasa pito hanggang sampung milyong Pilipino ang nagtatrabaho bilang migrant workers sa iba’t ibang bahagi ng mundo, base sa datos ng Office of the Vice President (OVP) subalit sa bilang na ito, walang eksaktong datos o statistics ang OVP kung ilang migrant worker ang biktima rin ng human trafficking.
Sa isinagawang GO-NGO forum sa tanggapan ng Commission on Human Rights kanina, sinabi ni OVP Overseas Filipino Workers Concerns Head atty. Deogracias Grafil na ang kakulangan sa dokumentasyon at data-gathering ay bunsod ng hindi pakikipagkooperasyon ng mga host country.
Pinangangambahan rin ni Grafil na posible pang tumaas ang bilang ng mga migrant worker na inaabuso ng kanilang mga foreign employer.
Paliwanag ni Grafil, mayroong iba’t ibang klase ng pang-aabuso sa mga migrant worker. Kabilang rito ang walang day off, kulang na pasahod, long working hours, restriction of freedom of movement and association, at physical and sexual violations.
Dahil dito, lalong paiigtingin ng pamahalaan ang pagprotekta sa karapatan ng mga migrant worker, sa pamamagitan ng isang multilateral framework.
“Pakikipag-usap sa iba-ibang sangay ng gobyerno, kasama na ang NGOs at iba-ibang bansa para mapaigting ang security ng ating OFWs sa ibang bansa.”
Iminungkahi ng OVP ang hakbang na ito dahil na rin sa optional na pagpapatupad ng mga host country ng migrant laborers’ rights at iba pang mga batas.
Maging sa pamilya ng mga foreign worker ay may nakahanda ring mga programa ang pamahalaan. Kabilang rito ang financial literacy, pagtatayo ng sariling negosyo at investments.
“Ang focus ni VP Binay, financial literacy, para anuman ang mangyari sa labas, makabalik ka dito sa Pinas, at least stable financially ang family”, dagdag ni Grafil.
Mahigit sa walong daang libong migrant worker ang ipinapadala ng Pilipinas sa ibang bansa taun-taon, at malaki ang naitutulong ng kanilang remittances sa paglago ng ating ekonomiya.
Nilinaw naman ni Grafil na hindi pa kasama sa statistics ng OVP ang mga undocumented overseas Filipino worker. (Bianca Dava, UNTV News)