Checkpoint at travel pass, ipatutupad pa rin sa ilang lugar – PNP

MANILA, Philippines – Hindi pa rin ititigil ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapatupad ng checkpoint at travel authority pass sa ilang lugar sa bansa kahit pinayagan na ang paglabas ng mas maraming tao sa gitna community quarantine.
Ayon kay police Joint Task Force Coronavirus (JTF CV) Shield commander Lieutenant General Guillermo Eleazar, nasa desisyon ng mga lokal na pamahalaan kung papayagan ang paglabas at pagbiyahe ng mga taong hindi kabilang sa authorized persons outside of residence (APOR) at locally-stranded individuals kasunod ng desisyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) sa paglabas ng tahanan ng mga nasa edad na 15 hanggang 65 taong gulang.
Una nang sinabi ni League of Provinces of the Philippines head, Marinduque Governor Presbitero Velaso na tuloy pa rin ang pagpapatupad ng quarantine rules para sa kapakanan ng kanilang constituents laban sa coronavirus disease.
Sa kabila nito, sinabi ni Eleazar na hindi isinasantabi nila ang posibilidad na may mga lugar na nais nang alisin ang travel restrictions para makabangon ang lokal na ekonomiya.
Pero hangga’t hindi aniya inaalis ang travel restrictions ay mananatili ang checkpoint at paghahanap ng travel pass sa mga checkpoint bilang requirement sa mga uuwi o bibiyahe sa mga probinsiya.
Sa ngayon aniya ay nakikipag-ugnayan na ang police ground commanders sa mga lokal na pamahalaan upang alamin kung may mga pagbabago sa ipinatutupad na travel protocol policy.
“Ibig sabihin noon, kapag ang isang probinsya ay wala nang restriction, hindi na kailangan ng travel authority kung pupunta doon,” ang pahayag ni Eleazar.
Payo naman ng opisyal sa publiko na alamin ang panuntunan ng mga bayang pupuntahan o dadaanan bago ang kanilang biyahe upang maiwasan ang aberya.
“Dahil kung ang pupuntahan niyo o yung dadaanan niyo, alin man don ay restricted pa din like nagre-require ng travel authority ay kailangang mag secure kayo ng kanilang requirement,” ang wika ni Eleazar. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Lea Ylagan)