Police station at bahay ng alkalde ng Sison, Surigao del Norte, inatake ng armadong grupo

MANILA, Philippines – Sinalakay ng mga armadong kalalakihan ang istasyon ng pulisya at ang bahay ng alkalde ng bayan ng Sison, Surigao del Norte, Huwebes nang umaga.
Ayon sa mga residenteng nakasaksi sa pangyayari, pasado alas-otso nang paulanan ng bala ng mga suspek ang bahay ni Sison Mayor Karissa Fetalvero Paronia at ang istasyon ng lokal na pulisya.
Agad umanong rumesponde ang mga pulis at sundalong malapit sa lugar at nakipagpalitan ng putok sa mga suspek.
Nakuhanan ng video ang pamamaril na sinasabing tumagal ng hanggang 20 minuto.
Wala namang napaulat na nasugatan o nasawi sa panig ng mga otoridad. Hindi pa malinaw sa inisyal na ulat kung nasa bahay si Mayor Paronia nang mangyari ang pag-atake.
“Kaba ang aming nararamdaman sir, nanginginig pa kami at may trauma kasi first time pa namin na experience ang ganyan. Pinadapa kaming lahat dito ng mga pulis at pinapasok kami sa ilalim ng stage,” ang wika ni alyas Jake na siyang kumuha ng video sa gitna ng putukan.
Hinala ng Sison Police, mga miyembro ng New People’s Army ang sumalakay dahil wala naman umanong napapaulat na armadong grupo sa kanilang lugar.
Sa ngayon ay naglagay na ng checkpoints ang mga otoridad sa iba’t ibang bahagi ng bayan habang patuloy na tinutugis ang mga salarin. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Raymond Octobre)