Halos 1,600 pamilya sa Zamboanga City, inilikas dahil sa baha

Aabot sa 1,597 pamilya ang inilikas sa Zamboanga City dahil sa baha sa ilang bahagi ng lungsod bunsod ng mga pag-ulan.
Mahigit 1,000 sa mga ito ay mula sa Barangay Vitali, mahigit 300 mula sa Barangay Talisaya, 45 mula sa Barangay Labuan habang 12 naman ang mula sa Barangay Mangusu.
Sa ulat ng City Social Welfare and Development Office, halos 30 bahay ang napinsala dahil naman sa lakas ng hangin.
Aabot naman sa 16 na ektarya ng palayan ang napinsala dahil sa masamang lagay ng panahon.
Ayon sa Zamboanga City government, patuloy na silang nagsasagawa ng relief operation at emergency response upang tulungan ang mga residenteng naapektuhan ng baha.
Naka-antabay na rin ang mga otoridad sa posible pang paglilikas ng ibang residente sa gitna ng mga pag-ulan. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Val Villaflor)