Ilang bahagi ng Intramuros sa Maynila, binuksan na sa publiko

MANILA, Philippines – Bukas na sa publiko simula ngayong araw ang ilang bahagi ng Intramuros sa Maynila, ayon sa Department of Tourism (DOT).
Sinabi ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, handa na ang makasaysayang walled city sa pagtanggap ng mga turista lalo’t marami itong malalawak na lugar na ligtas puntahan ng mga tao sa gitna ng pandemya.
Ang pagbubukas ng Intramuros ay kasunod na rin ng panawagan para sa mas marami pang tourism activities at destinations upang makatulong sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa.
“Now, with the easing of quarantine restrictions while the recommended health and safety protocols remain in place, Intramuros is ready and prepared to welcome back the public to the city’s many plazas, open spaces, heritage sites and museums,” ang wika ni Puyat.
Ang mga sumusunod na tourist sites sa Intramuros ang maaaring pasyalan ng publiko:
Ang Fort Santiago na bukas mula Lunes hanggang Linggo, ang Casa de Manila mula Martes hanggang Linggo, at ang Baluarte de San Diego na maaari namang bisitahin mula Sabado hanggang Linggo.
Sarado pa sa ngayon ang iba pang tourist sites sa Intramuros.
Paalala ng DOT na ang mga bisitang may edad 15 hanggang 65 lamang ang papayagang pumasok sa mga nabanggit na lugar.
May entrance fee na P75 para sa mga adult habang P50 naman sa mga estudyante at persons with disabilities. Maaari itong bayaran ng cash o kaya ay sa pamamagitan ng online platform.
Limitado lamang ang maaaring pumasok sa loob ng mga gusali alinsunod sa health and safety protocols kontra COVID-19.
Kukunin rin ang body temperature at sasailalim sa symptoms screening ang mga turista. Hindi maairing pumasok ang mga walang suot na face mask.
Kailangan ring i-download ng mga bisita ang staysafe.ph app at sagutan ang health declaration form rito para sa contact tracing. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Asher Cadapan Jr.)