Published On: Tue, Jul 10th, 2012

Yellow Plates On Yellow Lane Policy, mahigpit na ipinatutupad ng MMDA

Isang Public Utility Bus na tumatahak sa loob ng yellow lane bilang pagsunod sa “yellow plates on yellow lane”  policy ng MMDA (PHOTOVILLE International)

MAKATI CITY, Philippines – Sinimulan na kahapon (Hulyo 9) ng Metropolitan Manila Development Authority ang istriktong pagpapatupad ng “yellow plates on yellow lane”  policy  sa lahat ng mga pampasaherong bus sa Metro Manila.

Kasabay nito, muling ipinaalala ng MMDA sa mga tsuper ng bus na limitahin ang kanilang mga sarili sa loob ng yellow lane.

Nagbabala rin ang ahensya na mahigpit na ipapatupad ng mga traffic enforcer ang regulasyon sa buong linggo.

Ito ay matapos muling magkaroon ng aksidente na sangkot ang pampasaherong bus na ikinasawi ng dalawa katao.

“Pinapaigting po ngayon ng MMDA ang  “yellow plates on yellow lane” policy po namin. Nung mga nakaraang araw po kasi maraming mga bus accidents ang nangyari sa labas ng mga respective lanes po nila,” pahayag ni MMDA Spokesperson Atty. Alu Dorotan.

Magugunitang noong linggo ay dalawang tao ang namatay sa karambola ng tatlong sasakyan sa bahagi ng Edsa Shaw Boulevard Underpass.

Ayon kay Dorotan, patunay lamang ito na hindi dapat dumadaan ang mga pampasaherong bus sa mga underpass tunnel.

Aniya, noong nakaraang Biyernes lamang muling binuhay ng MMDA ang tinatawag nilang “yellow plates on yellow lane” policy.

Naaayon ito sa isang polisiya sa ilalim ng Metro Manila Council Resolution noong 1997.

Giit ng MMDA, ang mga aksidenteng nangyari nitong mga nakaraang linggo ang magpapaunawa at magtuturo sa mga bus driver na hindi pwedeng gamitin ng mga ito ang lahat ng underpass sa kahabaan ng Edsa.

Bukod sa perwisyo sa mga pasahero, nahihirapan din sila na alisin ang mga naaaksidenteng bus dahil masikip ang mga daanan sa mga underpass na nagdudulot ng matinding pagbibigat sa daloy ng trapiko.

Kasabay nito, nanawagan rin ang MMDA sa mga bus driver na sumunod sa mga batas trapiko para makaiwas sa perwisyo.

“Nanawagan po si Chairman Francis Tolentino na sana bigyan po ng pagkakataon ang programa na ito na ma-full implement, dahil baka ang mga bus drivers ay hindi pa sanay sa programang ito at the same time ang mga traffic heads ay nautusang pagaralan ito ng mabuti”

Inaasahan naman na sa mga susunod na araw ay magkakaroon ng tinatawag na “window hours” kung saan maaaring gamitin ng mga bus drivers ang ilang underpass at flyovers. (Ito ang Balita ni Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)