Published On: Tue, Jun 19th, 2012

SWS Survey: Mas maraming Pilipino, tiwala sa K to 12 program ng DepEd

FILE PHOTO: Isang klase sa Tejero Elementary School, Cebu City (PHOTOVILLE International / July Okies)

PASIG CITY, Philippines  Mas maraming Pilipino ang kumpiyansa sa ipinatupad na K to 12 Program ng Department of Education.

Batay sa survey ng Social Weather Station (SWS), lumalabas na 65% ng mga Pilipino ang naniniwala na mas magkakaroon ng kaalaman at mas magiging handa sa kolehiyo ang mga mag-aaral na nakatapos ng 12 year basic education.

Lumabas rin sa survey na 61% ng mga Pilipino ang naniniwalang marami ang magtatapos sa K to 12 basic education program ng DepEd dahil sa oportunidad na maibibigay nito.

Ikinatuwa naman ng DepEd ang resulta ng survey ng SWS.

Ayon kay DepEd Assistant Secretary Tonisito Umali, mas lalo pa nilang paghuhusayin para mas maging epektibo ang kanilang kampanya.

“Patuloy po ang konsultasyon na ginagawa natin sa ating mga kababayan. May ipinadala na kautusan si Kalihim Armin Luistro sa mga regional directors at school superintendent na ipagpatuloy ang information seminar sa K to 12 at ngayong pagbubukas. Ang ating mga paaralan ay nagbibigay ng orientation sa ating mga magulang.” (Ito Ang Balita ni Ley Ann Lugod / Ruth Navales, UNTV News)