Published On: Fri, Jul 20th, 2012

State of Emergency sa Sulu, Walang Bisa ayon sa Korte Suprema

Manila, Philippines – Walang bisa ang deklarasyon ni Sulu Governor Abdusakur Tan na nagsasabing nasa “state of emergency” ang buong lalawigan ng Sulu bunsod ng kidnappings doon.

Ito ang binigyang diin ng Korte Suprema matapos manawagan ang gobernador sa Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at Civilian Emergency Force (CEF) upang tumulong umano sa pagpapanatili ng peace and order sa lalawigan.

Sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Maria Lourdes Sereno, kinatigan ng Korte ang petisyon ng ilang residente sa Sulu na kumukontra sa pagpapatupad ng proklamasyon.

Nilinaw ng Korte Suprema na tanging ang Pangulo lamang ang may kapangyarihan na magpatawag sa AFP bilang Commander-in-Chief nito alinsunod sa Konstitusyon.

Wala rin anilang basehan ang ginawang paggamit ni Gov. Tan sa Section 465 ng Local Government Code bilang depensa sa kanyang proklamasyon dahil hindi maituturing na calamity o disaster ang kidnapping.

Idineklara rin ng Korte Suprema na invalid ang ginawang pagbuo ni Gov. Tan ng CEF dahil wala itong kapangyarihan na magtayo ng private armed groups para tumulong sa pagpapanatili ng peace and order dahil ito ay responsibilidad naman ng PNP.

Matatandaang nagdeklara ng state of emergency ang nasabing gobernador nang dukutin ng Abu Sayyaf Group ang tatlong miyembro ng International Committee of the Red Cross sa Sulu kamakailan. (UNTV News)