Published On: Thu, Aug 16th, 2012

Smoke Belchers sa EDSA, Huli sa Isinagawang Operasyon ng MMDA at LTO

Ang pagsasailalim sa smoke belching test ng mga bus sa EDSA na isinagawa ng mga kawani ng LTO at MMDA. (UNTV News)

MANILA, Philippines – Nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Land Transportation Office (LTO) ngayong araw (Agosto 16) upang hulihin ang mga sasakyang nagbubuga ng maitim na usok sa lungsod.

Ayon sa MMDA, LTO at Philippine Medical Association, ang smoke belching ang pangunahing dahilan ng polusyon ng hangin sa Metro Manila.

“Para ma-minimize natin ang air pollution dito sa metro manila, mga motor vehicle ay isa-subject for emission testing natin once na makita natin sila umuusok sa kalsada,” pahayag ni Jerry Capulong, Coordinator ng LGU-DENR, Anti-Smoking Composite Team.

Isinagawa ng tatlong ahensya ang smoke emmission test sa siyam na lugar sa Metro Manila ngayong araw.

Sa bahagi ng EDSA ay nakahuli ng 12 smoke belchers sa loob lamang ng 30 minuto.

“Kinuha natin yung plaka nila,magbabayad sila ng multa. Ayusin nila ang makina ng sasakyan nila. We consider it a dirty engine linisin nila ang makina nila para hindi mausok,” pahayag naman ni Roladno Macalinao, head ng Anti-Smoke Belching ng MMDA.

Pasado ang sasakyan kung ang makuhang K Value o ang antas ng pagiging maitim ng binubugang usok ng sasakyan ay 2.5 o mas mababa pa. Kapag pumalo naman ng 2.6 ang K Value nito, ibig sabihin masama na ang dulot ang ibinubugang usok mula rito.

Ang mga pangunahing sasakyan na nagbubuga ng maitim na usok ay ang mga bus, jeepney at AUVs.

kinuha naman ng MMDA at LTO ang plaka ng pampubliko o pribadong sasasakyan na hindi nakapasa sa test at binigyan ng temporary operator’s permit.

Kapag nahuli sa unang pagkakataon ay magmu-multa ng P1,000. Sa ikalawang paglabag ay pagmumultahin ng P3,000 habang sa ikatlong paglabag naman ay magmumulta ng P5,000 kasabay ng pagsu-suspinde ng registration ng sasakyan sa loob ng isang taon.

Masama ang epekto ng smoke belching sa ating kalusugan.Nakakasama sa baga at puso ang usok mula sa sasakyan. Isang sanhi rin ito ng pangangati ng mata at lalamunan, pag-ubo, pagkahilo, pananakit ng dibdib, alta presyon at kanser. Bukod dito ay msama rin ang epekto nito sa ating kapaligiran. (Ito Ang Balita ni Dave Tirao/Marje Navarro, UNTV News)