Published On: Tue, Jul 10th, 2012

Singil sa kuryente, tataas ngayong Hulyo

Ang bahagi ng powerpoint presentation ng MERALCO sa media kung bakit magtataas ng singil ng kuryente ngayong Hulyo. (UNTV News)

PASIG CITY, Philippines – Nakaambang tumaas ang singil sa kuryente ngayong buwan ng Hulyo.

Ito na ang ikatlong pagkakataon ngayong taon na magtataas ng singil sa kuryente ang MERALCO.

Ayon sa Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga, tumaas ang halaga ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) kaya’t siguradong tataas din ang generation charge na ipapataw ng kumpanya sa electric bill ng mga consumer.

“Magkakaroon po ng pagtaas ng 32 sentimo dito sa halaga ng generation charge for the month of July, at ito po ay dahilan sa pagtaas po ng presyo sa WESM, tumaas po ng P4 per kilowatt hour sa supply sa month of June”

Ayon pa sa MERALCO, nagkaroon ng kakapusan sa supply ng kuryenteng nabibili nila mula sa mga independent power producer na siyang pangunahing pinagkukunan ng mas murang halaga ng kuryente.

Nito lamang aniyang mga nakaraang buwan, nakaranas ng kakulangan o shortage ang mga independent power producer.

Maging ang mga kumpanya aniya na kumukuha ng supply sa Malampaya ay kinailangan ding lumipat pansamantala sa mas mahal na mabibilhan ng kuryente.

Minabuti na umano nilang ianunsyo ito ng mas maaga para makapaghanda ang publiko sa lalabas sa kanilang mga electric bill.

Dagdag pa ng MERALCO na sa buwan ng Agosto, maaari pa ding tumaas ang generation charge dahil sa naka-skedyul na walong araw na maintenance shutdown ng Malampaya Pipeline.

Nilinaw din ng MERALCO na sa kasalukuyan ay wala silang magagawa sa naturang pagtaas sa singil ng kuryente.

“Alam naman natin na ‘pag merong impending shutdown sa Malampaya Pipeline, nandun yung posibilidad na magkaroon ng pressure sa generation charge dahil yung mga planta na kumukuha ng fuel supply sa Malampaya will shift to more expensive fuel source which is liquid fuel,” ani Zaldariaga.

Nanawagan naman sa lahat ng consumer ang MERALCO na maging matalino sa paggamit ng mga kagamitan at appliances dahil ito lamang ang tanging magagawa sa ngayon upang maibsan ang nakaambang pagtaas sa singil sa kuryente. (Ito ang Balita ni Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)