Published On: Fri, Jun 29th, 2012

Senador Koko Pimentel, Kumalas Na Sa United Nationalist Alliance

FILE PHOTO: Senator Aquilino “Koko” Pimentel III (UNTV News)

PASAY CITY, Philippines —Kumalas na sa United Nationalist Alliance (UNA) si Senador Koko Pimentel.

Katwiran ng senador, naninindigan siya sa kanyang prinsispyo na mula pa noon ay hindi sila maaaring magsama ni dating Senador Migz Zubiri na opisyal ng kabilang sa UNA senatorial slate.

“Yung aking pag-atras sa UNA senatorial candidate ay hindi ko kukuwestyunin o guguluhin ang coalition agreement ng PDP-LABAN at PMP under UNA. So, ako lang po ang maapektuhan dito.”

Nakipag-usap na rin ang senador kay dating Pangulong Joseph Estrada ng Pwersa ng Masang Pilipino (PMP)  kaugnay ng kanyang pagkalas.

“Ako po ay galing na sa bahay ni ERAP, at ako po’y nagpaalam na nang maayos na hindi ko po kayang tumakbo under UNA dahil sa makakasama ko ang taong kumuha ng 4 na taon ng pagka-senador ko.”

Aminado ang batang Pimentel na malaki ang tyansa ng kanyang panalo kung ang mag-eendorso sa kanya ay sila Estrada, Binay at Senate President Juan Ponce Enrile.

“Ganyan talaga ang buhay, we cannot have it all. We were willing to take the risk. Sa sulat ko kay ERAP, sana tulungan niya ako kahit hindi ako sumama sa UNA.”

Sa ngayon ay wala pang pormal na imbitasyon sa kanya ang ibang partido gaya ng Liberal Party ngunit bukas na ang mambabatas sa pag-ampon ng ibang partido. (Ito Ang Balita ni Dave Tirao / Ruth Navales, UNTV News)