Published On: Thu, Jul 26th, 2012

Senador Alan Peter Cayetano, Nais Muling Pabuksan ang Senate Investigation sa 2004 at 2007 Poll Fraud

Senator Alan Peter Cayetano (UNTV News)

 MANILA, Philippines – Nais ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na muling pabuksan ang imbestigasyon ng Senado  kaugnay sa umano’y nangyaring dayaan noong 2004 at 2007 National Elections.

Nitong miyerkules, naglabas ng kani-kaniyang pananaw ang mga miyembro ng Senate Blue Ribbon Committee sa pagpayag ng Pasay Regional Trial Court Branch 112 na makapagpiyansa si dating pangulong Gloria Arroyo sa kasong electoral sabotage.

Kasabay nito ang paglabas ng release order para sa pansamantalang paglaya ng dating pangulo mula sa pagkaka-hospital arrest sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC).

Ayon kay Cayetano, babase sila sa magiging resulta ng kanilang imbestigasyon upang magkaroon ng rekomendasyon kung may kailangang amyendahang batas sa halalan sa bansa.

“Hindi mo mababago ang batas, hindi maaamyendahan hangga’t di mo nalalaman kung anu ang tunay na nangyari and based on that, we make our recommendation.”

Bagamat may binuong DOJ-COMELEC joint panel ukol sa umano’y 2004 at 2007 poll fraud, wala aniya rito ang nais makuhang resulta ng mga senador.

“The Comelec’s own investigation is not bringing us the results that we want. Remember ang result natin dito is not to point fingers, not to say kung may nangdaya o hindi. Kung may nangdaya e di let’s be honest with ourselves and say na walang nangdaya pero kung meron, sino at paano?”

Sinabi pa ni Cayetano na nakausap na rin niya patungkol sa isyu si Senador Koko Pimentel na pangunahing complainant sa kaso ng umano’y dayaan noong 2004 at 2007 elections. (Ito ang Balita ni Bryan De Paz/Ruth Navales, UNTV News)