Published On: Fri, Sep 14th, 2012

Seguridad sa Paligid ng US Embassy, Todo-Bantay Kasunod ng Pagkamatay ng US Ambassador to Libya

Ang mga 2 sa 5 patrol boats na lulan ng mga taga Philippine Coast Guard na nagpapatrolya sa paligid ng Manila Bay, partikular sa likod ng US Embassy. (UNTV News)

MANILA, Philippines — Patuloy ang pag-papatrolya ng mga rubber boat ng Philippine coast guard (PCG) SA palibot ng Manila Bay partikular sa coastal area sa harap ng US Embassy.

Ito ay bilang bahagi ng ipinatutupad na mataas na alerto sa mga embahada ng Estados Unidos sa iba’t ibang bansa kasunod ng pagkamatay ng Us Ambassador sa Libya matapos sugurin ng mga militante.

Ayon kay Chief Petty Officer Wilson Duco ng PCG Search and Rescue Unit, nagdagdag pa sila ng rubber boats kasunod ng insidente.

“Naka-heightened alert ngayon dahil sa threat dun sa Libya at sa Egypt… Nagka-conduct kami ng maritime patrol sa pier para may visibility, para anytime na may threat at least mag-aalangan ‘yung magbabalak na gumawa ng bombing o lulusob sa US embassy.”

Sa kabuuan, limang patrol boats ang nagpapatrolya ngayon sa Manila Bay.

 

Tatlo rito ay mula sa PCG habang dalawa naman dito ay mula sa Asian Terminal Incorporated (ATI) na nangangasiwa sa vicinity ng pier 15.

Ayon kay Duco, wala pang naitatalang insidente sa bansa na sinubukang pasukin ang naturang embahada mula sa dagat.

“So far, wala pa naman gawa ng nagkaconduct kami ng maritime patrol… Araw-araw makikita mo naman sila kung mga local fisherman lang.”

Kaunay nito, nagdagdag na rin ng barikada at security personnel ang US embassy dahil sa insidente ng pagpapasabog sa mga konsulada ng Amerika sa bansang Libya at Egypt.

Nanatiling naka-half staff naman ang US flag sa naturang embahada, simbulo ng pagluluksa sa pagkamatay ni US Ambassador to Libya Chris Stevens. (Francis Rivera/Ruth Navales, UNTV News)

Leave a comment

XHTML: You can use these html tags: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>