Published On: Thu, Aug 16th, 2012

QC Govt, Aminadong Hirap sa Pagsugpo sa Talamak na Bentahan ng Botcha sa Lungsod

FILE PHOTO: Ang pagkakasabat ng tauhan ng mga National Meat Inspection Service (NMIS) sa mga double-dead meat o botcha sa isang palengke sa Quezon City na karaniwang ibinabiyahe sa gabi. (UNTV News)

QUEZON CITY, Philippines — Aminado ang Quezon City Government na hirap itong sugpuin ang talamak na bentahan ng double-dead na karne lalo na kapag panahon ng kalamidad.

Sa ginawang senate inquiry ng Committee on Trade and Commerce, inamin ni Mayor Herbert Bautista na kapos sila sa enforcement sa anti-botcha kahit may suporta pa ang National Meat Inspection Service.

“Kahit na i-raid po namin sa Bulacan, bago kami makarating doon, marami ng nangyari. Very active ang QC Anti-Botcha pero kahit pa sa lugar ng source, di pa namin maabatan,” pahayag ni Mayor Bautista.

Bukod sa enforcement kulang din aniya ng pasilidad at expertise ang Quezon City.

“Kaya siguro sa pondo pero not all LGU can afford. Kami mismo sa QC may pagkukulang,” dagdag pa ng alkalde.

“Di ako naniniwalang wala. Alam ko tumaas yan. Marami at tumaas lalo yan. Ang dami ng botcha, nakakabahala na wala tayong makita,” pahayag naman ni Senador Manny Villar, chairman ng Senate Committee on Trade and Commerce.

Pasado na sa huling pagbasa ng Senado noong nakalipas na buwan ang Anti-Botcha Bill o Senate Bill 2746 subalit hindi pa ito maisabatas dahil wala pa ang bersyon ito sa mababang kapulungan.

Samantala, isusulong naman ni Villar ang Senate Bill 1306 na naglalayong mapigilan ang pagtaas ng presyo ng ilang basic commodity kapag nasa national emergency ang bansa.

Isasama ang liquified petroleum gas, sardinas, noodles, asukal, bigas at tubig sa hindi dapat tumaas ang presyo kapag may national emergency.

“Mas marami ang gusto kong ilagay pa diyan. Titignan ko kung anong mga items ang sinasamantala ng ating mga trader kapag ganitong emergencies,” pagtiyak ni Senador Villar. (Ito Ang Balita ni Bryan De Paz/Marje Navarro, UNTV News)