Pulis na Umano’y Nangotong sa Anak ni NCRPO Chief Leonardo Espina, Nagtatago pa rin
QUEZON CITY, Philippines – Hindi pa rin nagpapakita sa Quezon City Police District (QCPD) si SPO4 Jose Dela Peña, ang tauhan ng QCPD Mobile Patrol Unit na nangotong umano sa anak ni NCRPO Chief Leonardo Espina.
Ayon kay QCPD Police Chief Superintendent Mario Dela Vega, pinuntahan ng mga kapwa niya pulis si Dela Peña sa tirahan nito subalit maging ang kanyang pamilya ay wala na rin sa kanilang bahay.
Sa ngayon idineklara nang AWOL o Absent Without Official Leave si Dela Peña.
Sa record ng QCPD, dati na ring nasangkot sa pangongotong si Dela Peña kung saan naging biktima nito ay magkasintahan. Ayon kay Dela Vega, nasa NCRPO na ang naturang kaso at hanggang ngayon ay hindi pa rin nareresolba.
Bukod sa panibagong extortion case, mahaharap naman sa iba pang kasong asministratibo ang nasabing kotong cop dahil sa pagtatago at hindi pagsunod sa direct order ng kanyang hepe para lumutang at magpaliwanag hinggil sa insidente.
Samantala, nagpakita na kahapon sa QCPD ang kasama ni Dela Peña noong gabing mangyari ang sinasabing pangingikil na si PO2 Resty Del Rosario.
Itinanggi nito na kasama siya sa pangongotong at nanindigang noon lang niya nakasama si SPO4 Dela Peña.
Una namang nanindigan si General Espina na dapat maparusahan o matanggal sa serbisyo ang mga tiwaling pulis.
“7 out of 10 may tiwala na sa pulis, kaso malungkot kami dahil may Dela Peña at Del Rosario na nakakabawas sa tiwala ng tao sa pulis,” pahayag ng tagapagsalita ng PNP na si Police Chief Superintendent Generoso Cerbo Jr. (Victor Cosare/Ruth Navales, UNTV News)














Recent Comments