Published On: Tue, Jul 24th, 2012

Programang Pangkalusugan ng Pamahalaan, Inaasahang Mas Marami Pang Matutulungan

Manila, Philippines – Umabot na sa mahigit 5M Pilipino ang nakikinabang sa Philippine Health Insurance program ng pamahalaan.

Ito ang buong pagmamalaking pahayag ni Pangulong Aquino sa kanyang ikatlong SONA. Bukod sa Philhealth, malaking tulong din aniya ang umiiral na conditional cash transfer program para sa ating mga kababayang mahihirap..

Aniya, mula sa 62% na miyembro ng Philhealth noong 2010, umangat ito sa 80% sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Ayon sa datos na ipinakita ng Pangulo, anim sa 10  mahihirap na Pilipino ang  namamatay ng hindi man lang nakaagpapakonsulta sa doktor dahil sa kahirapan ng buhay. Sa tulong ng Philhealth, nakapagpapagamot at nabibigyan na ng libreng gamot ang mga kababayan nating nangangailangan sa mga ospital.

“Ang maganda pa rito, ang 5.2 million na pinakamahirap na kabahayang tinukoy ng National Household Targeting System, buong-buo at walang-bayad nang makikinabang sa benepisyo ng Philhealth dahil po sa “No Balance Billing Policy” ng Department of Health. Ang lunas para sa dengue, pneumonia, asthma, katarata, gayundin ang pagpapagamot sa mga catastrophic disease tulad ng breast cancer, prostate cancer, at acute leukemia, makukuha na nang libre ng mga pinakamahirap nating kababayan,” buong pagmamalaki ni Pangulong Aquino.

Samantala, sa loob ng 2 taon, nabibiyayaan naman ng conditional cash transfer program ang 3.1 milyong Pilipino.

Ayon sa Pangulo, mahigit 1.6 milyong mga ina ang regular nang nakakapag pachek sa mga health centers. Nasa mahigit 1.6  milyong mga kabataan din ang nabakunahan ng libre laban sa tigdas, at nasa 4.5 milyong estudyante naman ang masigla nang nag-aaral at pumapasok ng eskuwelahan araw-araw.

“Pangmatagalan po ang impact ng proyektong ito. Hindi pa kumpleto ang mga pag-aaral, pero ngayon pa lang ay maganda na ang ipinapakita ng numero. Base sa listahan ng DSWD, may 1,672,977 na mga inang regular nang nagpapacheck-up; 1,672,814 na mga batang napabakunahan laban sa diarrhea, polio, tigdas at iba pa. 4.57 million na estudyante ang hindi na napipilitang mag-absent dahil sa kahirapan,” pag-uulat ng Pangulo.

Bunsod nito, nais ng pamahalaan na paabutin sa 3.8 milyong Pilipinong mahihirap ang mabigyan ng benepisyo mula sa CCT program nito. (Rico Rivandenera/Marje Navarro, UNTV News)

Leave a comment

XHTML: You can use these html tags: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>