Published On: Thu, Sep 20th, 2012

Presyo ng Produktong Petrolyo, Posibleng Tumaas na Naman sa Susunod na Linggo – DOE

Si Department of Energy Secretary Jay Layug sa programang Get It Straight with Daniel Razon. (PHOTOVILLE International)

MANILA, Philippines — Nangangamba ang Department of Energy (DOE) na patuloy pang tataas ang presyo ng produktong petrolyo kung magpapatuloy ang sigalot ng mga bansa sa gitnang silangan  ng Asya.

Kahapon lamang ay nagtaas sa presyo ng produktong petrolyo ang ilang oil company sa bansa.

Mahigit 90 sentimo ang itinaas ng gasolina ngunit bumaba naman ang presyo ng diesel ng mahigit 20 sentimo sa kada litro nito.

Ayon kay Energy Department Undersecretary Jose Layug, naka-monitor ang kagawaran sa presyo ng produktong petrolyo sa loob ng isang linggo.

“Kailangan po nating hintayin ang paggalaw ng presyo sa pandaigdigang pamilihan mula Lunes hanggang Biyernes, yan po ang magiging batayan natin sa paggalaw sa isang linggo.”

Para naman sa transport group na Pangkalahatang Sanggunian Manila & Suburbs Drivers Association (PASANG MASDA), kailangang i-review ng kongreso ang Oil Deregulation Law na nagagamit aniyang lisensya ng oil companies para sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

“Mayroong batas na kumukubli, ito yung Oil Deregulation Law natin, sa naging pananaw nga namin ay naging proteksyon pa ng “big three’ na any given time pwede nila itaas ang presyo nila at any given time pwede nila ibaba,” pahayag ni Ka Obet Martin, National President ng Pasangmasda.

Sa panayam naman ni Kuya Daniel Razon kay Usec. Layug sa programang “Get It Straight with Daniel Razon”, sinabi nito na mangangailangan ng malaking pondo ang gobyerno kung mare-regulate ang presyo ng produktong petrolyo.

“Hindi naman po sa tutol kami sa pag-reregulate ng presyo ng produktong petrolyo, kaya lang po hindi na kasi kakayanin ng gobyerno dahil mangangailangan po ng malaking pondo kung nais nating mairegulate ito.”

Sa kasalukuyan ay patuloy aniya ang ginagawang oil at gas exploration ng DOE partikular sa bahagi ng north Western Palawan. (Mon Jocson/Ruth Navales, UNTV News)