Published On: Fri, Jul 20th, 2012

Presyo ng Pangunahing Bilihin sa Oman, Inaasahang Tataas ngayong Panahon ng Ramadan

Muscat, Oman – Panahon na naman ng Ramadan kaya’t inaasahang tataas na naman ang mga presyo ng mga bilihin sa bansang Oman gaya  ng  bigas, gulay, prutas, karne, isda at iba pang grocery items.

Dahil marami ang namimili sa panahong ito at nag iimbak ng pagkain, sinasamantala naman ito ng ilang mga negosyante upang kumita.

Maging ang mga kababayan natin sa Muscat, ramdam din ang epekto sa kanilang budget at pagpapadala ng remittance sa kani-kanilang pamilya sa Pilipinas.

“Sa parating na Ramadan medyo nahihirapan kaming mga OFW sa pag-budget po ng aming kinikita kasi kailangan naming i-budget para sa sarili namin at para kamag-anak sa Pilipinas sa mga pamilya na kailangan din na padadalhan ng pera. Instead na ipapadala ko sa mga anak ko na buo ngayun magiging palagay natin ¾ mababawasan siya. Hindi talaga lahat ng sahod namin mapapadala namin sa pamilya namin short talaga kami ang hirap mag-budget,” pahayag ni Marilou Santiniaman, isang OFW.

Ayon naman sa Consumer Protection Agency na nangangalaga sa karapatan ng mga mamimili, nakamonitor sila sa mga presyo ng mga bilihin.

Tiniyak din ng ahensya na magbabayad ng penalty ang sinomang  negosyanteng mapatutunayang walang sapat na dahilan ang pagtataas ng presyo ng kanilang mga paninda. (Jeffrey Reyes/Marje Navarro, UNTV News)