Published On: Tue, Jul 10th, 2012

Posibilidad nang pagpasok ng Enterovirus 71 sa Pilipinas, mahigpit na binabantayan ng DOH

Manila, Philippines – Natuklasan na ng health authorities sa Cambodia ang dahilan ng fatal respiratory syndrome na kumalat sa naturang bansa.

Ito ang Enterovirus Type 71 (EV71) batay sa ginawang pagsusuri sa mga pasyente na isinagawa sa Institute Pasteur sa Cambodia.

Ayon kay Health Under Secretary Eric Tayag, ang Enterovirus Type 71 ay karaniwang sanhi ng hand, foot and mouth disease na maaaring magdulot din ng matinding neurologic complications.

Sa ngayon ay nasa 63 na ang nagkaroon ng ganitong sakit sa Cambodia, habang 60 sa mga ito ay namatay na karamihan ay mga bata.

“Ibig sabihin ng fatal ay deadly, nakamamatay at nakita naman na ang kaso ay wala pang labing-isang taong gulang at ang namamatay ay wala pang limang taon”

Ayon sa DOH, kabilang sa mga sintomas ng hand, foot and mouth disease ay ang pagkakaroon ng lagnat, neurological abnormality tulad ng pagkakasakit ng ulo, laging natutulog, kumbolsyon, paralysis, biglaang pagsusuka at paninigas ng leeg.

Bagamat nalaman na ang sakit na ito ay hindi pa rin matukoy kung saan nanggaling ang naturang virus.

“Halos naging mahirap para sa kanila na matukoy kung ano ang kadahilanan sapagkat maagang namamatay ang mga bata, so hindi tayo nakakakuha ng specimens kaagad”

Nilinaw naman ni Usec. Eric Tayag na hindi nanggaling sa mga hayop ang hand, foot and mouth disease na lumalaganap ngayon sa Cambodia.

Gayunpaman, nagbabala ang World Health Organization (WHO) na hindi pa lubusang napipigil ang outbreak ng sakit at kailangan pa ng mga pag-aaral sa vaccine na pipigil dito.

Samantala, inatasan na ng Department of Health ang Bureau of Quarantine na manatiling alerto sa pagsasagawa nang mahigpit na monitoring sa lahat ng international airport upang hindi makapasok sa bansa ang virus.

Nilinaw naman ng DOH na walang travel restriction sa mga papasok at palabas sa Cambodia kaugnay ng “Cambodia respiratory disease”.

“Walang travel restriction, so nananatili na malaya kayong pumunta sa Cambodia at nananatiling pwedeng makarating sa atin ang mga galing sa cambodia” ani Tayag.

Nagpahayag naman ng kahandaan ang Health Department sakaling pumasok sa bansa ang nakamamatay na sakit. (Ito ang Balita ni Joshua Antonio / Ruth Navales, UNTV News)

 

Image credit: mterraza