Philippine Coast Guard, Dinagsa ng mga Humihingi ng Tulong Dahil sa mga Pagbaha
Manila, Philippines – Kasabay ng malakas na buhos ng ulan, dinagsa naman ng mga humihingi ng tulong ang tanggapan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Maynila.
Simula pa kagabi ay marami na ang humihingi ng tulong mula sa command center ng PCG.
Kaugnay nito, agad nagsagawa ng deployment sa mga kritikal na lugar ang PCG Special Operations Group.
Gamit ang rubber boats, patuloy sa pagresponde ang grupo sa mga pamilyang nalulubog na ang mga bahay sa baha.
Ayon kay PCG Operations Chief Rear Admiral Luis Tuason Jr, ilan sa bulto ng mga apektado ng pagbaha ay nasa bahagi ng Quezon City at Valenzuela.
Ayon sa opisyal, aabot na sa mahigit 200 kaso ang itinawag sa kanilang tanggapan mula nang magsimula ang walang patid na ulan.
Samantala, wala pang naitatalang maritime incidents ang kagawaran maliban na lamang sa binabantayang dalawang nakaangklang barge sa Pangasinan na pinangangambahang magbanggaan.
Giit ni Tuason, hindi gaya noong nakaraang insidente ng pagsadsad ng maraming sea vessel, walang gaanong hangin ang kasalukuyang sama ng panahon.
Aniya, mas malakas ang pagbuhos ng ulan ngayon kumpara sa mga pagbugso ng hangin. (Ito ang Balita ni Francis Rivera/Ruth Navales, UNTV News)














Recent Comments