Published On: Fri, Sep 14th, 2012

Panukalang Batas Hinggil Sa E-mail Voting Para Sa Mga OFW, Pinamamadali Na Ng COMELEC

Si COMELEC Chairman Sixto Brillantes Jr. sa kayang guesting sa programang Get It Straight with Daniel Razon. (PHOTOVILLE International)

MANILA, Philippines — Pinamamadali na ni COMELEC Chairman Sixto Brillantes Jr. ang pagpasa sa panukalang batas ukol sa voting through electronic mail o e-mail.
Ayon kay Brillantes nanatiling mababa ang registration turn out para sa Overseas Filipino Workers (OFW). Kung ikukumpara aniya sa kabuuang bilang ng mga OFW sa iba’t ibang panig ng mundo, mababa pa rin sa mga ito ang rehistrado upang makaboto.
“Napakababa. Last elections 152, 000 lang out of  9M overseas,” pahayag ni Chairman Brillantes.
Dagdag problema rin aniya ng ahensya sa kasalukuyan ang pag aalis ng ilang konsulada ng Pilipinas sa ibang bansa; bagay na inaasahang magpapahirap pa sa ilang mga OFW na makaboto dahil sa konsulada lamang maaring makaboto ang mga ito.
Kabilang sa mga bansang inalisan ng embahada ang Venezuela, Spain, Ireland, Germany at Palau. Nakatakda namang alisin sa buwan ng Oktubre ang mga embahada sa Romania, Cuba, Finland, Saipan, at Sweden.
“Riyad, Jedda, kung malayo ka dun ay hindi ka na mag-a-aksaya ng panahon para bumiyahe para bumoto lang. Pero kung papayagan ang e-mail system, palagay ko maraming boboto. Pati ang mga seafearers natin (na) nasa laot, di makaboto. Pero pag e-mail, pwede,” dagdag pa ni Brillantes.
Sa kasalukuyan, inihahanda na ng COMELEC ang ground work para sa overseas voting. Ayon kay Chairman Brillantes, kailangan maipasa ang panukalang batas na ito Oktubre ngayong taon o bago ang adjournment ng dalawang kapulungan ng Kongreso sa Disyembre.
 
“Kailangan ipasa nila ngayong October, basta before the end of the year kasi mahirap na (ang) implementation (kung) next year pa,” giit ni Brillantes.
Samantala, tiniyak ng ahensya na wala nang magaganap na extension ang pagpaparehistro matapos ang October 31. (Francis Rivera/Marje Navarro, UNTV News)

Leave a comment

XHTML: You can use these html tags: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>