Published On: Tue, Jul 3rd, 2012

Pangulong Aquino, pinangunahan ang pormal na paglulunsad ng rotavirus vaccine sa bansa

Ang paglulunsad ng DOH rotavirus vaccine at PhilHealth “Z” benefit package na pinangunahan ni President Benigno Aquino III kasama si Dr. Banzon at si Secretary Ona. (Malacañang Photo Bureau)

MANILA, Philippines — Pinangunahan ni Pangulong Benigno Aquino III ang pormal na paglulunsad ng rotavirus vaccine sa bansa.

Ang naturang bakuna ay tutulong sa mga sanggol upang makaiwas sa matinding diarrhea dulot ng rotavirus infection.

Naniniwala ang Pangulo na malaki ang maitutulong ng rotavirus vaccination upang lalong mapangalagaan ang kalusugan ng mga kabataang Pilipino.

“Today, we launch the rotavirus vaccine which are expected to contribute on our goal safeguard, of our health and wealthy of the Filipino children.”

Kauna-unahan ang Pilipinas sa mga bansa sa Asya na maisama ang rotavirus vaccine sa national immunization program ng Department of Health (DOH).

Ayon kay Health Secretary Enrique Ona, layunin ng naturang bakuna na maprotektahan ang mga bagong silang na sanggol sa sa sakit na diarrhea sanhi ng impeksyon ng rotavirus.

“We are the first country in South East Asia that will now include rotavirus vaccination in the routine immunization schedule of our children.”

Inirerekomenda naman ng World Health Organization (WHO) na ang 1st dosage ng bakuna ay maibigay sa 6  hanggang 15  linggong gulang na sanggol at ang ikalawang dosage ay maibigay sa 10 hanggang 32 linggong gulang na sanggol.

Ayon sa ulat ng WHO, umaabot sa mahigit 100 milyong sanggol ang nagkakaroon ng gastroenteritis infections.

Dagdag pa nito ang datos na nakalap ng naturang ahensya noong 2004 kung saan umaabot sa mahigit sa 500 milyong batang may edad na limang taon ang namamatay kada taon sa buong mundo.

Sa Pilipinas, nasa top 10 ang rotavirus na nagiging sanhi ng karamdaman ng mga kabataan.

Umaabot naman sa mahigit sa 5,000 bata na may edad na hanggang limang taon ang namamatay kada taon dulot ng rotavirus infection.

Inaasahan na nasa 700,000 na mga kabataan mula sa mahihirap na pamilya sa bansa  ang unang makikinabang ng rotavirus vaccine. (Ito Ang Balita ni Nel Maribojoc / Ruth Navales, UNTV News)