Published On: Tue, Jul 10th, 2012

Pangulong Aquino, hinamon ng zero jailbreak ang BJMP

Si Pangulong Benigno Aquino III sa pagdiriwang ng ika-21 anibersaryo ng Bureau of Jail Management and Penology, July 09, 2012. (Malacañang Photo Bureau)

QUEZON CITY, Philippines – Dinaluhan ni Pangulong Benigno Aquino III ang ika-21 anibersaryo ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Camp Crame kahapon.

Sa kaniyang talumpati, inihayag ng Pangulo ang kaniyang hamon sa ahensya na wala ng presong dapat makatakas sa kanilang mga kulungan.

“Nakarating din po sa akin na umangat sa animnapung porsiyento ang recovery rate ng mga pugante noong 2011. Good news po ito, pero palagay ko mas maganda sana kung wala na talagang nakakatakas na preso.”

Ipinagmalaki rin ng Pangulo na 47 karagdagang pasilidad sa mga kulungan sa iba’t-ibang lugar sa bansa ang naipagawa sa nakalipas na dalawang taon ng kaniyang panunungkulan.

“Hindi po ito mga kubol para lamang sa mayayamang bilanggo. Wala itong DVD player, LED TV, karaoke, o disco. Sakto na rin po ang mga bagong pasilidad na ito sa mahuhuli nating tiwaling opisyal o umaabuso sa katungkulan. Sisiguruhin nating may nag-aabang na espasyo sa inyo sa bilangguan,” anang Pangulong Aquino.

Kasabay ng pagdiriwang ng anibersaryo ng ahensya, dalawang good news naman ang inihatid ng Pangulo sa mga tauhan ng BJMP.

Ipinahayag ng Pangulo na nakalabas na ang P500-milyong budget para sa 2,000 housing unit para sa mga tauhan ng BJMP.

Matatanggap na rin ng mga retiradong jail guard ang kanilang pensyon sa pamamagitan ng ATM sa Agosto ng taong kasalukuyan.

Ipinagmalaki rin ng Pangulo ang high tech system na ipinatutupad ng BJMP sa pagmo-monitor ng mga bilanggo na tinaguriang National Inmates Monitoring System.

“Sa paraang ito, mas mabilis at mas epektibo na ang pag-track sa mga kaso, sa haba ng sentensya at impormasyon tungkol sa mga bilanggo. Sosolusyunan po nito ang kaso ng mga presong tapos na ang sentensya, nananatili pa rin sa kanilang selda. Tutuldukan nito ang mano-manong paghagilap ng datos, at ang magulong sistema na kulang na lang ay isulat sa tissue paper ang pangalan ng mga bilanggo.” (Ito ang Balita ni Victor Cosare / Ruth Navales, UNTV News)