Published On: Fri, Jul 20th, 2012

Pangulong Aquino, Bagsak ang Rating sa KMU at Migrante

Manila, Philippines - Mababang grado ang ibinigay ng grupo ng mga manggagawa sa performance ni Pangulong Noynoy Aquino, ilang araw bago ang State of the Nation Address (SONA) nito sa Lunes, Hulyo 23.

Ayon sa Kilusang Mayo Uno (KMU), 45% lang ang performance rating ni PNoy dahil hindi pa rin naisasakatuparan ang ilan sa mga ipinangako nito noong nakaraang SONA.

Ayon kay Lito Ustarez, Vice Chairman ng KMU, kabilang sa mga ipinangako ni Pangulong Aquino noon ay ang pagkakaroon ng sapat na trabaho at pagbibigay ng dagdag na sahod sa mga obrero.

Para sa grupo, hindi sapat ang dagdag na P30.00 na cost of living allowance (COLA) na inaprubahan ng pamahalaan kamakailan lalo na’t walang humpay ang pagtaas ng  presyo ng mga pangunahing bilihin.

“Mumong dagdag sahod  ang P30. Ang aming matagal nang isinusulong na P125 across the board increase, hanggang ngayon ay hindi pa rin naipapatupad, ” pahayag ni Ustarez.

Ayon naman kay Migrante International Chairman Garry Martinez, marami sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) ang nahirapan dahil sa ginawang budget cut ngayong taon. Marami rin aniya ang mga OFW na napipilitang lumabas ng bansa dahil sa kawalan ng maayos na pagkakakitaan.

“Tumaas po yung deployment rate natin at sinasabi niya po na noong siya ay umupo ay mababawasan ang mga napupwersang umalis ng ating bansa pero sa datos po, mas lalong lumaki ito, at 7,000 po ang ngayon ay nakakulong sa iba’t ibang panig ng mundo,” pahayag ni Martinez.

Ipinagtanggol naman ni House Deputy Speaker Lorenzo “Erin” Tanada III ang pangulo.

“Ako, I am going to give him 85% and it is an admission that there are a lot of things to do. Pero at least, ang itinatanim ng ating pangulo ay nagbubunga,” pagtatanggol naman ni Tanada.

Samantala, inaasahan na ng palasyo na maglalabasan muli ang mga negatibong opinyon habang papalapit ang SONA ni Pangulong Aquino.

“They have always a “kontra-SONA.” That’s part of democratic peace phase,” palhayag naman ni Presidential Spokeman Edwin Lacierda.

Ayon naman kay Senate President Juan Ponce Enrile, hindi nararapat na husgahan ang Pangulong Aquino sa mga panahong ito kundi dapat naman itong bigyan muna ng pagkakataon na maiulat sa bayan ang mga accomplishment na nagawa niya sa kanyang dalawang taong pamumuno. (Grace Casin/Marje Navarro, UNTV News)