Published On: Fri, Sep 7th, 2012

Pagtatayo sa Pinakamalaking Wind Power Project sa Southeast Asia, Sinimulan na sa Puerto Galera

FILE PHOTO: Ang mga windmills sa Bangui Bay, Ilocos Norte (PHOTOVILLE International / Reign Lichangco)

ORIENTAL MINDORO, Philippines — Sinimulan na ang konstruksyon at paglalagay ng pundasyon para sa pasilidad ng 48-mega watt wind power project sa Puerto Galera kaninang umaga.

Ayon kay Oriental Mindoro First District Representative Rodolfo Valencia, ito ang hudyat ng pagbibigay katuparan sa mas mura at sapat na suplay ng kuryente sa buong lalawigan.

“Ang problema ng lalawigan ay mataas na presyo ng kuryente at hindi stable. Layon nitong mapababa ang singil sa kuryente ng may 2 o 3 piso kada kilowatt-hours.”

Ang nasabing proyekto ay pangalawang wind power project sa Pilipinas at inaasahang magiging pinakamalaki sa buong timog silangang Asya. Tinatayang aabot sa 6 na bilyong piso ang halaga ng nasabing proyekto.

Ayon sa United States National Renewable Energy Laboratory, may anim na lokasyon para sa potensyal na wind electricity sa ating bansa at dalawa dito ay matatagpuan sa Mindoro kabilang ang bayan ng Bulalacao at Puerto Galera.

Inaasahan namang matatapos ang konstruksyon ng unang bahagi ng proyekto pagsapit ng 2015.

Kaugnay nito, ikinatuwa ng mga residente sa lalawigan ang pagtatayo ng nasabing wind energy source.

Batay sa pag-aaral ng ASEAN Power Utilities and Authorities, isa ang Pilipinas sa itinuturing na may pinakamalaking binabayarang elektrisidad sa buong Asya. Sa pamamagitan ng mga renewable energy sources, inaasahang mapapababa nito ang bayarin ng mga Pilipino. (Reymar Origenes/Ruth Navales, UNTV News)